NGAYONG umaga bago mananghali kukunan ang inaasam-asam na kasal ni Peter/Nonie Buencamino kay Gloria/Sylvia Sanchez sa isang simbahan sa Silang, Cavite para sa teleseryeng The Greatest Love.
Alas tres ng madaling araw ang call time ng lahat na dadalo sa engrandeng kasalan nina Peter at Gloria dahil may rehearsal pa raw at make-up testing.
Tinanong namin si Sylvia nitong Sabado over dinner bago kami manood ng Beauty and The Beast sa Shangri-La Cineplex kung ano ang pakiramdam niya na sa dinami-dami ng nagawa niyang serye ay ngayon lang niya mararanasang ikasal sa leading man niya.
“Hindi lang ako ang excited, nag-uusap nga kami ni Nonie kasi kung kailan kami tumanda, saka namin mararanasang ikasal sa teleserye. Pati si Nonie, first time rin niya kaya tawa kami nang tawa,” masayang kuwento ng aktres habang nakikinig naman ang tunay na Peter ng buhay niya, si PapaArt Atayde.
Dadalo ba si Papa Art sa kasal ni Gloria?
“Ano gagawin ko ro’n?” natawang sagot ni Papa Art. “Ibigay mo na ‘yun sa kanila.”
Pero ang biyenang babae ni Ibyang na si Mamita, gustung-gustong sumama. Hindi lang namin alam kung makakasama dahil madaling araw nga ang alis ng aktres papuntang location.
Ayaw ikuwento ni Ibyang ang mangyayari sa The Greatest Love basta ang sinigurado niya ay, “kung umiyak na kayo nang umiyak sa mga napanood ninyo, mas matindi ito, sigurado ako, mas matindi ang mga susunod na mangyayari hanggang sa katapusan.”
Malapit na bang magtapos ang TGL?
“Hindi pa, ibig kong sabihin, hanggang sa katapusan wala nang gagawin ang manonood kundi umiyak nang husto,” sabi ni Ibyang. (Reggee Bonoan)