MULING humataw ang bayan ng Balungao sa kakatapos na selebrasyon sa ika-siyam na Goat Festival.
Ang Goat Festival ay ipinagdiriwang tuwing Marso kasabay ng kapistahan ng patron ng bayan na si St. Joseph The Carpenter.
Ito ang napiling itanghal ng bayan dahil ito ang kanilang produktong agrikultural na maipagmamalaki. Kambing ang OTOP (one town, one product) ng Balungao.
Tinatampukan ng iba’t ibang aktibidad ng selebrasyon tulad ng makulay na street dancing, photography contest, drum and lyre exhibition at ang masarap na 101 Ways to Cook Chevon (karne ng kambing) na patok na patok sa mga balikbayan at mga bisitang turista.
Ayon kay Balungao Mayor Philipp Peralta, nais nilang ipagpatuloy ang masayang selebrasyon ng pista at goat festival dahil dito mas lalong nakikilala ang kanilang bayan. Bukod pa ang pagpapasalamat sa mga pag-unlad na nakakamit ng Balungao.
Ang Balungao ay isang 4th class na munisipyo na may humigit-kumulang 40,000 mamamayan. Ito ay matatagpuan sa timog-silangan ng Pangasinan malapit sa hangganan ng Nueva Ecija. Itinuturing itong “urban community” at may sukat na 7,325 ektarya ang lupain.
Dito matatagpuan ang makasaysayang bundok ng Balungao. Sa kasalukuyan, dinarayo ang pinakamahahang zipline sa buong Luzon na matatagpuan sa Balungao Adventure Resort, na siya ring kinaroroonan ng popular na hot spring. (JOJO RIÑOZA)
[gallery ids="232242,232241,232240,232239,232238,232234,232235,232237"]