NEW YORK (AP) — Nagapi si Danny Jacobs, ngunit nagawa niyang putulin ang knockout streak ni Gennady Golovkin.

Matikas na nakihamok ang American champion at nagawang matapos ang 12-round fight na nakatayo nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Napanatili ni Golovkin ang middleweight title nang talunin si Jacobs sa desisyon. Ito ang unang panalo ni Golovkin na hindi natapos sa TKO sa nakalipas na 24 laban.

Nakuha niya ang ayuda ng hurado sa 115-112 sa dalawa at 114-113 sa ikatlo. Ang iskor ng AP ay 114-113 pabor kay Golovkin para sa WBA middleweight title.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Daniel did a very good job,” pahayag ni Golovkin, nahila ang karta sa 37-0. “Daniel is my favorite fighter. I can’t destroy him.”

Tunay na kakaiba si Jacobs kumpara sa mga naunang nakaharap ng tinaguriang GGG.

“I thought I won it by at least two rounds minimum,” sambit ni Jacobs, kilala bilang ‘Miracle Man’ matapos malagpasan ang bone cancer noong 2011-12 at magwagi ng 10 sunod na laban. “I did feel like I had to win the 12th round to make sure.”

Tunay na nakakuha siya ng panalo sa tatlong round, ngunit hindi ito sapat para manalo dahil napabagsak siya ni Golovkin sa ikaapat na round. Bumagsak si Jacobs sa 32-2 karta.

Napanatili ni Golovkin ang WBC at WBO crowns.

“Of course I am ready to fight Canelo, of course I want that fight,” sambit ni Golovkin. “I am like an animal for that fight.”

Sakaling hindi matuloy ang Canelo fight, may isa pang opsyun si GGG.

“I will give Danny Jacobs a chance for a rematch,” aniya.