Iginiit ni Pangulong Duterte na wala siyang kinalaman sa planong impeachment laban kay Vice President Leni Robredo dahil sa pagtatraydor sa bansa.

“Hindi ako nakikialam sa buhay niya (Robredo). Sana huwag niyang pakialamanan ‘yung akin. Basta sa trabaho, okay lang,” sinabi ni Duterte kahapon sa press conference sa Davao City bago siya bumiyahe patungong Myanmar.

Matatandaang nagbanta si House Speaker Pantaleon Alvarez na maghahain ng impeachment laban kay Robredo makaraang magpadala ang huli ng video sa United Nations na bumabatikos sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Una nang nagsuspetsa si Alvarez na may kinalaman ang Bise Presidente sa paghahain ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ng impeachment complaint laban kay Duterte.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

‘I’M BEYOND POLITICS’

Iginiit naman ni Duterte na wala siyang kinalaman sa bantang pagpapatalsik sa puwesto kay Robredo.

“I never did anything and I will not do anything about it,” sabi ni Duterte. “I never lifted a finger against anybody. Tapos na ako dyan. I am beyond politics. I do not want to tinker with it. I just want to focus on my job as a, which you have given me.”

Una nang inihayag ng Malacañang na labas si Duterte sa planong impeachment laban kay Robredo.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, saklaw ng trabaho ni Alvarez ang pagpapa-impeach sa Bise Presidente, habang trabaho naman ng Kamara na pag-aralan at busisiin ang mga posibleng grounds para sa reklamong impeachment.

SOLGEN SUMEGUNDA

Sinabi rin kahapon ni Solicitor General Jose Calida na may basehan ang pinaplano ni Alvarez laban kay Robredo, at tinawag na “treasonous act” ang video ng huli sa United Nations Commission on Narcotics Drugs.

Samantala, nababahala naman si Sen. Antonio Trillanes IV sa naging pahayag ni Senate President Aqulino Pimentel III na mas madali ang impeachment kay Robredo kumpara kay Duterte dahil may sapat na bilang ang administrasyon.

WALANG KINALAMAN SA MAGDALO

“It is unfortunate coming from him, na magiging hukom ang Senado [sa impeachment trial],” ani Trillanes.

Iginiit din ni Trillanes na walang kinalaman si Robredo sa reklamong inihain ng Magdalo Group laban sa Presidente: “Wala siyang kinalaman dito. Itong Magdalo ang gumawa nito. Inisyatibo ito at aksiyon ng Magdalo.