Matapos pahintulutan ng 1st Division ng Sandiganbayan, binisita kahapon ng detinido at dating senador na si Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang may sakit niyang ama na si dating Senador Ramon Revilla, Sr. sa St. Luke’s Medical Center-Global City sa Taguig City.
Mag-aalas-sais ng umaga nang dumating sa ospital si Bong upang makapiling ang ama habang isina isailalim ito sa operasyon dahil sa pneumonia at sa occult gastro-intestinal bleeding.
Pinayagan si Bong na mabisita ang ama ng 6:00-9:00 ng umaga, salungat sa hiling niyang makapiling ito ng 6:00 ng umaga hanggang tanghali.
Kasalukuyang nakapiit si Revilla sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City kaugnay ng pagkakasangkot sa pork barrel fund scam. (Rommel P. Tabbad)