BOCAUE, Bulacan – Panandaliang nagkaroon ng tensiyon sa Barangay Batia sa Bocaue, Bulacan nang subukang okupahin ng mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mahigit 3,000 unit ng Bocaue Hills nitong Biyernes.
Gayunman, sinabi ng Bulacan Police Provincial Office na nabigo ang Kadamay na isakatuparan ang kanilang balak dahil Huwebes pa lamang ay nakatanggap na ang pulisya ng impormasyon tungkol sa gagawin ng grupo.
Dahil sa nakaaalarmang sitwasyon, napilitan ang mga opisyal ng mga eskuwelahan na suspendihin ang klase sa lugar.
Narinig ang matatapang na sigaw ng mga miyembro ng Kadamay na nagsabing hindi sila aalis sa lugar hanggang hindi nila naookupa ang mga unit — pero bago dumilim ay umalis na rin ang mga ito.
Samantala, palaisipan sa maraming residente sa iba’t ibang lugar sa Bulacan kung sino o sinu-sino ang humihimok sa Kadamay para okupahin ang housing units na nakalaan para sa mga pulis at sundalo.
Nagtataka ang mga residente kung bakit patuloy na pinapasok at inuukopa ng mga miyembro ng grupo ng militanteng maralitang tagalungsod ang mga bakanteng government housing project.
Kamakailan, nasa 1,000 miyembro ng Kadamay ang namalagi sa loob ng 419 na housing unit sa Pandi Residences 3.
Naglagay ang mga ito ng barikada sa paligid ng resettlement area at nagkabit ng mga placard na nagsasad na ang housing project ay libre para sa masa.
Ayon sa ulat, inokupa ng Kadamay ang housing units, kabilang ang PNP/AFP Housing, BJMP/BFP Housing, Villa Elise, Pandi Residences 3, Pandi Village 2, at Padre Pio. (Freddie C. Velez)