NAKABAKASYON na ang Commission on Appointments (CA), kasabay ang Senado at Kamara de Representantes, simula nitong Miyerkules para sa tradisyunal na paggunita ng Semana Santa. Muli itong maghaharap sa Mayo 3. Ang anim na linggong ito ay dapat na magkaloob sa mga kinauukulan ng sapat na panahon upang ikonsidera ang iba’t ibang implikasyon kaugnay ng mga pagdinig ng CA para sa kumpirmasyon ni Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources.
Hindi dumalo si Secretary Lopez sa huling pagdinig ng CA nitong Martes dahil kinailangan niyang umalis nang mas maaga para magbakasyon sa Amerika. Dahil dito, hindi niya nagawang masagot ang naging testimonya ni Finance Secretary Carlos Dominguez na kung sakaling ipasara ng gobyerno, nang walang tamang proseso, ang malalaking kumpanya ng minahan na may mga katuwang na banyaga, tiyak na magastos ang mga asuntong kahaharapin ng bansa sa mga pandaigdigang arbitration court.
Nagpasya ang CA na ipagpaliban ang anumang desisyon sa kumpirmasyon kay Lopez. Sinabi ni Sen. Emmanuel Pacquiao, chairman ng CA Environment Committee, na magpapadala ang CA ng kopya ng mga kaganapan sa pagdinig ng komite upang masagot ng kalihim ang mga isyung inilatag laban dito. Muling haharap sa CA si Lopez sa Mayo 3, kung kailan pagbobotohan na ng komite ang pagkakatalaga sa kalihim. Sa ngayon, pananatilihin ang status quo; ipagpapatuloy ng lahat ng apektadong minahan ang kani-kanilang operasyon.
Ang susunod na anim na linggo ay dapat na magbigay sa kinauukulan ng sapat na panahon upang suriin ang lahat ng usaping inilahad sa kaso ni Secretary Lopez. Kabilang sa mga ito ang:
—Pinag-aaralan ng Mining Industry Coordinating Council (MICC) ang mga naging desisyon ni Secretary Lopez, pinagtutuunan ang anggulong hindi nagkaroon ng wastong proseso sa naging pasya ng kalihim na ipasara ang 23 minahan, suspindehin ang limang iba pa, at kanselahan ang 75 mining permit.
—Nagsagawa ang House Committee on Good Government and Public Accountability ng sarili nitong imbestigasyon, kaugnay ng privileged speech ni Surigao del Norte Rep. Robert Barbers na nagbubunyag na pawang masusugid na tumutuligsa sa pagmimina ang bumuo sa DENR audit team na nagbusisi sa operasyon ng mga kumpanya ng minahan.
—May sariling mga tagasuporta si Secretary Lopez sa Kongreso—kabilang sa kanila si Sen. JV Ejercito na nagsabing sa kanyang palagay ay maaari namang magpatuloy ang operasyon ng mga minahan kung tatalima ang mga ito sa matatas na panuntunan ng responsableng pagmimina, gaya sa Canada, Australia, at New Zealand.
—Mismong si Pangulong Duterte ay nagpahayag na sinusuportahan niya si Lopez sa pangangailangang mapanatili ang kalinisan at kagandahan ng kalikasan ng bansa. Sinabi niyang walang kaso sa kanya kung mawala man ang P70 bilyon na taunang kita kung tuluyang maipasasara ang mga minahan kung nagdudulot naman ito ng pinsala sa kalikasan. Gayunman, sinabi ni Secretary Dominguez sa pagdinig ng CA na istrikto ang Pangulo sa pagpapatupad sa mga batas.
Sa Mayo 3 ay pagdedesisyunan na ng Commission on Appointments kung kukumpirmahin nito o hindi ang pagkakatalaga kay Secretary Lopez. Lilimiin nila ang husay niya para magampanan ang kanyang tungkulin, ang pananaw sa kanya ni Pangulong Duterte at ng iba pang mga opisyal, at ang sariling pagsusuri ng mga kasapi ng CA sa sitwasyon. Ang kanilang magiging pasya ay hindi lamang makaaapekto sa kahihinatnan ni Secretary Lopez; tutukuyin din nito ang magiging direksiyon ng ating bansa sa larangan ng pangangalaga at pakikinabang sa ating mga likas na yaman at kalikasan.