Patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) ang sanhi ng sunog sa isang residential building sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ni SFO1 Owen Peria, ng BFP-NCR, dakong 8:55 ng umaga nagsimula ang apoy sa dalawang palapag na boarding house na ang ibaba ay tindahan ng bisikleta, na pag-aari ng isang Cristy Lee, sa No. 2156 Leveriza Street, Pasay City.
Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang tatlong katabing establisyemento dahilan upang umabot sa ikatlong alarma ang sunog.
Bukod dito, hindi rin nakaligtas sa apoy ang isa pang gusali na imbakan ng mga damit na pag-aari ng isang Peter Yu.
Mabilis na rumesponde ang mga bumbero at tuluyang naapula bandang 11:05 ng umaga.
Walang naiulat na nasaktan sa mga nabanggit na insidente habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng ari-ariang napinsala. (Bella Gamotea)