MARAMING nagtatanong sa akin kung hahayaan na naman ng gobyerno ng Pilipinas na pakialaman ng China ang 13 milyong ektaryang Benham Rise na saklaw ng ating 200-nautical miles na malapit sa Aurora province at Isabela. Hindi payag dito si Defense Sec. Delfin Lorenzana at dating Parañaque, graduate ng US Annapolis Naval Academy, dating Naval officer at ex-National Security adviser ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo.

Kung totoong binigyan ng permiso ni President Rodrigo Roa Duterte na magpunta at magsaliksik (research) doon ang China tungkol sa Benham Rise, aba Mr. President, ano ba ang pumasok sa isip mo at ginawa mo ito? Ang Benham Rise ay iginawad sa atin ng UNCLOS noon pang 2012, na ito ay atin.

Nakalimutan mo na bang pinakialaman ng China at inokupahan pa ang ating mga reef dahil hindi kumibo ang ating gobyerno o kung kumibo man at nagprotesta ay hindi naman pinansin ng bansa ni Xi Jinping ang ating paninindigan. Sa totoo lang, nanalo tayo sa arbitral tribunal sa The Netherlands laban sa pag-angkin ng China sa halos kabuuan ng West Phil. Sea o South China Sea, pero binalewala lang ito at hindi kinilala ng dambuhalang nasyon.

Isang beteranong journalist ang nagsabi sa akin na lahat daw yata ng kumukontra at pumupuna sa mga patakaran at paniniwala ni Mano Digong ay itinuturing niyang “destabilizers.” Para kay Pres. Rody, destabilizers ang oposisyon o Liberal Party (Dilawan) na hindi maka-move on sa pagkatalo sa nakaraang halalan. Itinuturing ding destabilizer si Sen. Antonio Trillanes IV na walang puknat sa pagbatikos sa kanya.

Sa ngayon, inaakusahan niya ang mga pinuno at may-ari ng mining companies bilang “destabilizers” o yumuyugyog at naghahangad na pahinain at itumba ang kanyang administrasyon (gobyerno). Na sila ang nasa likod ng “destabilization efforts” upang bumaba siya sa puwesto. Sa isang okasyon, tahasang sinabi ni PDu30 na ang mayayamang may-ari ng minahan ang nagpopondo, kasama ang mga drug lord, sa “pagyugyog” at pagpapatumba sa kanyang pamahalaan. Kilala na raw niya kung sinu-sino ang mga ito. Kung ganoon, ihayag mo sa publiko Mr. President para malaman ng mga tao, gaya ng pagbubunyag mo sa limang police Generals na sangkot sa droga. Nasaan na sila (Gens. Loot, Garbo, Pagdilao, atbp)?

Anyare?

Hindi ba noon ay inakusahan din niya ang multi-millionaire na si Loida Nicolas-Lewis, isang Fil-Am, na ginang ng billionaire na si African-American Reginald Lewis? Na inuudyukan niya at ng iba pang Fil-Am New Yorkers ang mga Pilipino na labanan si Duterte? Itinanggi ito ni Loida, at itinanggi rin niya ang bintang na pinatulog niya sa kanyang bahay sina VP Leni Robredo at Sen. Leila de Lima nang magtungo sa US (na magkahiwalay) upang pag-usapan ang destabilization.

Mabuti na lang at naliwanagan si Pres. Rody sa usapin ng Mighty Corp., isang higanteng cigarette manufacturer, na umano’y may P1.5 bilyong hindi nababayarang buwis. Noong una, basta raw nagbayad nang doble ang Mighty Corp. (P3 bilyon), hindi na niya pakakasuhan ito. Nang sabihin sa kanya ni Trade Sec. Carlos “Sonny” Dominguez na higit pa rito ang taxes na dapat bayaran ng kumpanya, kumambiyo ang Pangulo at sinabing puwede na ang P5 bilyon. Gayunman, sinabihan siya ni Dominguez at iba pang financial at economic managers na dapat ay P15 bilyon ang singiling buwis sa Mighty Corp.

Nagtatanong ang taumbayan: “Puwede palang magbayad lang ang isang businessman o kumpanya ng gustong halaga ng gobyerno, eh hindi na kakasuhan? Masamang patakaran ito sapagkat kayang-kaya ng mayayaman at bilyunaryo ang magbayad sa kanilang kawalang-hiyaaan at pagnanakaw at sila’y ligtas na. Dapat ay kasuhan sila sapagkat lumabag sa batas.”

Siyanga pala, inamin ni Mano Digong na matagal na niyang kilala ang may-ari ng Mighty Corp. Silang dalawa pala ay “inampon” ng PMA Class 1967. (Bert de Guzman)