Anim na wanted at 14 na iba pa ang inaresto sa ‘One-Time, Big-Time-Oplan Rody’ (Rid the Streets of Drunkard and Youth) operation sa Las Piñas City simula nitong Biyernes ng gabi hanggang kahapon ng hatinggabi, iniulat ng Southern Police District (SPD).

Kinilala ang mga inaresto na sina Regie Devillena, 36, may nakabimbing warrant of arrest (WOA) sa kasong estafa; Ropil Velayo, 32, wanted sa kasong multiple homicide at multiple physical injury; Emelita Tordecillas, 54, wanted sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; Mark Delos Santos, 27, wanted sa kasong pagnanakaw; Eduardo Bitun Jr., 44, at Menchi Manosca, 46, kapwa wanted sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act.

Mismong si Chief Inspector Ret Viloria, assistant chief of police for operations (ACOPO) ng Las Piñas police, ang namuno sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga nasabing suspek sa Barangay Aldana at Pulang Lupa Uno.

Dinampot din sa OTBT-Oplan Rody operation, nagsimula bandang 9:00 ng gabi hanggang 12 ng hatinggabi kahapon, ang 13 menor de edad na pakalat-kalat pa sa lugar at ito ay paglabag sa curfew hours ng city ordinance.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Agad din silang pinakawalan mula sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) matapos silang sunduin ng kani-kanilang magulang.

Naaresto rin sa operasyon si Ronnie Rodriguez, 47, dahil sa pagmamaneho ng walang suot na helmet. Nakuha kay Rodriguez ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Kinumpiska rin ng awtoridad ang tatlong motorsiklo sa nasabing operasyon. Sinisiyasat na ang papeles ng mga motorsiklo upang malaman kung ito ay nakaw o hindi.

“The persons arrested by virtue of warrant of arrests are temporarily detained while waiting for their commitment order from the court of origin,” pahayag ni Supt. Jenny Tecson, hepe ng SPD public information office.

(Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)