CEBU CITY – Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI)-Region 7 ang tatlong Romanian na hinihinalang sangkot sa serye ng automated teller machine (ATM) card skimming sa Cebu, na nakapambiktima ng nasa 2,000 account.
Dakong 1:00 ng hapon nitong Biyernes nang imbitahan ng NBI sina Lonup Alesandrou, Razvan Aurelian, at Cosal Ion para sa interogasyon, batay sa footage ng CCTV sa sangay ng Land Bank of the Philippines sa Barangay Banilad.
Natukoy ang mga suspek makaraang mai-record ng CCTV ang pagpapabalik-balik ng mga ito sa mga ATM ng Landbank.
“We traced their vehicle after it was captured by the bank’s camera,” sabi ni Special Investigator Florante Gaoiran.
Tumanggi ang tatlong dayuhan na magbigay ng pahayag sa media kaugnay ng kanilang pagkakaaresto.
Sinabi naman ng source mula sa NBI na naghahanap pa ang mga awtoridad ng iba pang mga Romanian na umano’y sangkot din sa ATM card hacking. (Mars W. Mosqueda, Jr.)