Sinabayan ng gang war ng kabataan ang paglulunsad ng curfew para sa mga menor de edad, na sa ilang araw pa lang na pagpapatupad ay may 22 teenager na ang naaresto sa Iloilo City, iniulat kahapon.
Sugatan ang isang gang member na kinilala lamang bilang Jacklord matapos pinagtulungang bugbugin ng 10 miyembro ng kaaway na Street Pamilya Cinco gang sa Old Airport, Mandurriao, Iloilo City.
Nangyari ang gulo sa unang gabi ng pagpapatupad ng Task Force on Moral Values (TFMV) sa 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga na curfew sa mga menor de edad.
Kinumpirma rin ng Iloilo City Social Welfare and Development Office na umaabot na sa 22 menor de edad ang nahuli sa paglabag sa curfew, at mga magulang ang mananagot para sa kanila. (Fer Taboy)