Agad dinisarmahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawa sa tatlong pulis, kabilang ang precinct commander, na inireklamo ng pangongotong ng isang magkasintahan na unang inakusahan ng public scandal sa Parañaque City.

Nasa balag na alanganin sina Police Inspector Mahlail Anthony Carpizo at PO1 Gerson Maranan habang hindi pa nagpapakita sa pulisya si PO1 Jason Tiamson, pawang nakatalaga sa Sun Valley Police Community Precinct (PCP) ng Parañaque City Police.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Dennis Frivaldo, batay sa affidavit ng 21-anyos na biktima, hindi nagpabanggit ng pangalan, siningil siya ng P50,000 nina Carpizo, Maranan at Tiamson upang makaiwas sa asuntong “public scandal”.

Nitong Marso 5, dakong 1:30 ng madaling araw ay binabaybay umano ng biktima at kanyang nobyo ang West Service Road, Barangay Sun Valley nang magdesisyon silang huminto dahil sa mainit na pagtatalo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Bigla umanong dumating ang police patrol car na kinalululanan ng tatlong pulis at sila’y sinita at pinagbintangang nagtatalik sa loob ng kotse.

Bagamat walang katotohanan at dala ng takot, hindi na umano sila nakapiyok nang hingan sila ng pera ng mga ito kapalit ng hindi pagdala sa kanila sa presinto.

Nabatid na P60,000 ang hiningi sa kanila nina Carpizo, Maranan at Tiamson ngunit tumawad ang magkasintahan at ginawang P50,000.

Matapos ito ay dali-daling nagtungo at naghain ng reklamo ang magkasintahan sa NCRPO. (BELLA GAMOTEA)