PALABAS na sa mga sinehan ang 2 Cool 2 Be 4gotten at Baka Bukas, dalawa sa pinakapatok na pelikula mula sa Cinema One Originals Festival 2016, bilang espesyal na handog ng Star Cinema.
Ang 2 Cool 2 Be 4gotten ay tungkol sa kuwento ni Felix (Khalil Ramos), isang high school student achiever na walang kaibigan. Gugulo ang buhay niya sa pagdating ng half-American Snyder brothers (Jameson Blake at Ethan Salvador). Ang kakaibang kuwentong ito ay may pagbabalik-tanaw sa lalawigan ng Pampanga pagkaraan ng halos isang dekada simula nang pumutok ang Mt. Pinatubo.
Ang dark high school comedy ni Petersen Vargas ay nanalo ng tatlong awards sa 12th annual Cinema One Originals Film Festival – ang Best Picture, Best Cinematography, at Best Supporting Actor para sa Hashtags member na si Jameson Blake.
Parehong Star Magic artist at nagmula sa reality TV shows ng ABS-CBN sina Jameson at Ethan. Si Jameson ay dating housemate ni Kuya sa Pinoy Big Brother at si Ethan naman ay isa sa top 40 finalists ng Pinoy Boyband Superstar.
Si Khalil Ramos na isa ring Star Magic at Star Music recording artist ay nakatanggap din ng nominasyon para sa Best Actor category sa kanyang pagganap bilang Felix. Ang ilan sa mga nagawa niyang pelikula sa Star Cinema ay ang A Second Chance at The Achy Breaky Hearts.
Ang pelikulang Baka Bukas ni Samantha Lee ay tungkol naman sa kuwento ni Alex (Jasmine Curtis-Smith), isang workaholic na lesbian na patagong nagmamahal sa kanyang best friend na si Jess (Louise delos Reyes).
Nagwagi ng tatlong awards sa 12th Cinema One Originals Film Festival ang entry na ito – Best Actress para kay Jasmine, Best Sound, at Audience Choice award.
Ang 2 Cool 2 Be 4gotten at Baka Bukas ay mga makabagong pelikula na parehong nagbibigay ng paghamon at pag-asa. Ang kanilang common theme ay “gaano mo kamahal ang iyong pinakamatalik na kaibigan?”
Alamin kung hanggang saan kayang tawirin ng tunay na pagkakaibigan ang mga kuwento nito.
Ang 2 Cool 2 Be 4gotten ay nagsimula nang ipalabas sa mga sinehan sa buong bansa nitong March 15. Ang Baka Bukas naman ay naunang ipinalabas noong March 1 at maaari pa ring mapanood sa Cinema 76, Cinematheque Manila, and Cinematheque Iloilo, Davao, and Zamboanga.