BAGO pa man sila mapanood sa kanilang inaabangang teleserye reunion, magtatambal muna sina Kim Chiu at Gerald Anderson sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi bilang magkasintahang paglalayuin ng tadhana at muling paglalapitin sa panahong may pamilya na ang isa sa kanila.

Na-love at first sight si Bernard (Gerald) kay Cze (Kim). Sa mura nilang edad ay naging secret admirer ni Cze si Bernard na walang humpay na nagpadala ng love letters. Kalaunan ay pormal silang ipakikilala sa isa’t isa hanggang sa mabuko ni Cze na si Bernard pala ang kanyang lihim na manliligaw. Susuyuin siya nito hanggang sa mahulog din ang kanyang loob at naging magkasintahan sila.

Naging masaya ang kanilang pag-iibigan pero ipinetisyon si Bernard ng ama sa States. Noong una ay sinubukan pa nilang ituloy ang kanilang relasyon kahit magkalayo, pero nawalan sila ng komunikasyon at tuluyan nang nawalan ng pag-asa si Cze na maaayos pa nila ang kanilang sitwasyon.

Lumipas ang panahon, at nakilala ni Cze si Rico (Edgar Allan Guzman) at mabubuntis siya nito. Nagpasya ang kanilang mga magulang na ipakasal sila, pero ilang linggo bago ang kanilang pag-iisang dibdib ay bumalik si Bernard sa buhay ni Cze.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Matutuloy pa ba ang kasal nina Cze at Rico? May pag-asa pa bang magkabalikan sina Cze at Bernard?

Makakasama ng Kimerald sa upcoming episode sina Eva Darren, Jong Cuenco, Gigi Locsin, Daisy Reyes, Myel de Leon, Avery Balasbas, at Yogo Singh. Ang episode ay mula sa panulat nina Akeem del Rosario at Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Dado Lumibao. Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou N. Santos.

Maantig sa mga kuwentong hatid ng longest-running drama anthology sa Asya tuwing Sabado ng gabi pagkatapos ng Your Face Sounds Familiar Kids sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Panoorin nang libre ang latest episodes nito sa iwantv.com.ph o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.