AYON sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang sampung pinakamahirap na lalawigan ng bansa ay iyong mga walang minahan. Base sa first semester poverty report nito, ang sampung probinsiyang ito ay ang Lanao del Sur, Sulu, Sarangani, Bukidnon, Siquijor, Northern Samar, Maguindanao, Sultan Kudarat, Zamboanga del Norte, at Agusan del Sur.

“Walang nagmimina sa mga lugar na ito,” sabi ni Oceana Gold’s Senior vice-president for communications and external affairs Chito Gosar, “pero sa Lanao del Sur nagtala ng 70.2 porsiyento ng dami ng mahihirap, 61.8 porsiyento sa Sulu at 59.5 porsiyento naman sa Sarangani.”

Kaya, aniya, walang batayan ang sinasabi ni Environment Secretary Regina Lopez na ang mga pinakamahirap na bahagi ng bansa ay iyong mga may minahan. Hindi raw pahirap ang mga mining company sa kani-kanilang lugar, bagkus sila ang katuwang ng gobyerno sa pagbibigay ng batayang serbisyo.

Katunayan, sa Barangay Didipio, Nueva Vizcaya at sa mga kanunog na lugar, gumanda ang buhay ng mga mamamayan dahil sa Oceans Gold’s Didipio Mines, ayon kay Gozar. Dati, aniya, pagsasaka lang ang pinagmumulan ng kanilang ikinabubuhay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngayon, kumikita na ang pamilya ng P19,380 na mataas sa National average income na P17,166 at sa national poverty threshold na P18,935 dahil sa pagmimina.

Pero, hindi lang sa ganitong aspeto dapat tingnan at binibigyang-halaga ang pagmimina. Dapat din itong maging instrumento sa kaunlaran ng bansa at pinangangalagaan ang kapaligiran. Habang pinakikinabangan ng lahat ang kayamanan ng bansa sa paraan ng pagmimina, kailangan ding pangalagaan ang kalikasan.

Ipagpalagay na nating P70 bilyon ang inaambag ng pagmimina sa kaban ng bayan, ngunit napakahalaga ng kapalit: wasak na kapaligiran at mga unos. Pumapatay ng lahat ng uri ng buhay; tao, hayop at laman-dagat, at sumisira ng mga ari-arian.

Sinabi ni Gozar na sa mga lalawigang walang minahan, laganap ang kahirapan. Paanong hindi ito mangyayari, eh kakaunti ang nakikinabang sa mina ng bansa. Sabi nga ni DENR Sec. Lopez, sa 82 porsiyentong kinikita ng mining industry na nagkakahalaga ng P35.5 bilyon, sa ilang negosyante lamang ito napupunta. Kung ito ay naikakalat, na siyang dapat mangyari dahil kayamanan ito ng bansa, baka kahit paano ay mabibiyayaan ang mga dukhang lugar.

May henerasyon pang susunod, tungkulin nating pangalagaan ang kalikasan at kayamanan ng bansa upang mayroon tayong maipamana sa kanila. Hindi ito ari-arian na minana natin sa ating mga ninuno para lang waldasin at iwanang mahirap at nagugutom ang sumusunod sa atin. (Ric Valmonte)