HINDI ko ikinabigla, at lalong hindi ipinagtaka, ang pag-usok ng mga pakana upang ibagsak ang Duterte administration. Naging palasak na ang ganitong mga estratehiya – ang destabilization plot – tuwing nagpapalit ng administrasyon. At, tulad ng dapat asahan, ang ganitong mga plano ay isinusulong ng mga kaaway at kritiko ng alinmang nanunungkulang pamunuan.

Palibhasa’y naging saksi na ng madugo at nabigong destabilisasyon, wala akong nakikitang pagkakaiba ng mga plano hinggil sa paglumpo sa administrasyon at sa pagpapatalsik sa mga lider nito. Tulad halimbawa ng impeachment case na isinampa kamakalawa sa Kamara ng Magdalo group laban kay Pangulong Duterte kaugnay ng sinasabing talamak na pagpaslang ng mga pinaghihinalaang user at pusher ng illegal drugs. Hindi ko matiyak kung hanggang saan makararating ang naturang asunto bagamat ito ay minaliit at kaagad binalewala ng Malacañang.

Dapat lamang asahan na hindi ito ang una at huling pakana laban sa Pangulo at sa kanyang administrasyon. Natitiyak ko na hindi titigil ang kanyang mga kritiko sa pagwasak at pag-agaw sa kanyang kapangyarihan; magsasampa sila ng mga asunto sa hangaring mailantad ang katotohanan.

Hindi nag-iisa si Pangulong Duterte sa gayong sitwasyon. Si dating Pangulong Estrada na ngayon ay Alkalde ng Maynila ay isinalang din sa impeachment proceedings noong kanyang panunungkulan. Inakusahan siya ng katiwalian kaugnay ng sinasabing milyun-milyong jueteng money. Naging dahilan ito ng pagkakapatalsik niya sa Malacañang. Nabura lamang ang mabigat na parusang ipinataw sa kanya nang siya ay pagkalooban ng pardon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ngayon ay Kongresista.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Higit pa sa tradisyon, si Hesus ang sentro ng Pasko

Subalit si Pangulong Arroyo ay hindi rin nakaligtas sa kamandag ng impeachment complaints. Sinampahan din siya ng gayong asunto dangan nga lamang at ito ay hindi nakausad sa Kamara. Ibang kaso ang kanyang kinasadlakan na pinagdusahan naman na niya; pinalaya siya ng Sandiganbayan pagkatapos ng matagal na hospital arrest.

Si Pangulong Marcos ang dumanas ng pinakamatinding destabilization plot nang siya ay mapatalsik sa panguluhan sa pamamagitan ng sinasabing People Power revolution; naging dahilan ito ng kamatayan ng demokrasya at, siyempre, ng pagkitil sa press freedom.

Maging ang administrasyon ni yumaong Pangulong Cory Aquino ay hindi nakaligtas sa tangkang pagpapabagsak. Sunud-sunod na kudeta ang inilunsad ng isang grupo ng militar na naghasik ng matinding sindak sa buong kapuluan.

Totoong hindi dapat ikabigla ang paglutang ng mga planong pagpapabagsak sa gobyerno, sa pamamagitan ng pagsasampa ng impeachment complaint at iba pang asunto, sa hangaring mailantad ang katotohanan. Bahagi ito ng mga sistema na umiiral sa isang bansang demokratiko. (Celo Lagmay)