MAUUNAWAAN ng mga Pilipino ang dalawang huling napabalita sa Amerika, ang isa ay tungkol sa pagtatalaga ni President Donald Trump ng isang environment official na hindi naniniwalang mayroong global warming, at ang isa ay ang tumitinding oposisyon sa ikalawang executive order ni Trump na nagbabawal sa pagpasok sa Amerika ng mamamayan mula sa anim na bansang Muslim at paghihigpit sa programa sa imigrasyon ng Amerika.
Noong una ay kontra ang ating Pangulong Duterte sa Paris Agreement on Climate Change na nilagdaan sa United Nations ng nasa 170 bansa noong 2016, sa pangambang mapipigilan nito ang pag-unlad ng mga industriya sa Pilipinas, ngunit kalaunan ay napaliwanagan din siya at nilagdaan niya ang Instrument of Accession sa kasunduan, sa paghimok na rin ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez na kapakanan lamang ng Pilipinas ang maaasahan sa nasabing tratado. Iginigiit ng nasabing tratado sa Paris na mag-ambag ang mga bansa sa mundo, sa sarili nitong paraan, sa pangkalahatang paglimita sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa pamamagitan ng pagbabawas ng carbon dioxide emissions.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng bagong talagang pinuno ng US Environmental Protection Agency (EPA) — na nakikipag-ugnayan sa ating DENR — na hindi siya naniniwalang ang carbon dioxide ang pangunahing sanhi ng pag-iinit ng planeta.
Si Scott Pruitt ay kilalang kaalyado ng industriya ng fossil fuel — langis, gasolina, uling, at iba pa. Ang pahayag niyang ito ay taliwas sa napagkasunduan ng mga siyentista sa iba’t ibang panig ng mundo na nagsasabing ang global warming ay bunsod ng mataas na carbon dioxide emissions mula sa mga pagkasunog ng fossil fuels sa daigdig.
Ang pagkakatalaga ni President Trump kay Pruitt sa EPA ay naglagay sa alanganin sa mga ipinangako ng Amerika sa mga isinusulong ng Paris Agreement. At nangunguna ngayon ang Amerika sa mga industriya sa mundo at pangunahing nag-aambag sa suliranin ng global warming.
Ang isa pang nabalita sa Amerika ay ang desisyon ng anim na estado nito na kuwestiyunin ang binagong travel ban ni President Trump sa mga immigrant. Ang Hawaii ang unang estado na naghain ng asunto laban sa bagong ban, sa dahilang labis ang magiging epekto nito sa industriya ng estado, na nakasalalay sa pagbisita ng mga dayuhan. Sinabi naman ng Oregon na nilalabag ng ban ang mga batas nito laban sa diskriminasyon. Hinamon naman ng Washington ang ban sa anggulong konstitusyunal at naglabas na rin ng kaparehong sentimyento ang Massachusetts, Minnesota, at New York.
Sa kasalukuyan, may libu-libong hindi dokumentadong Pilipino sa iba’t ibang panig ng Amerika na tiyak na maaapektuhan ng kampanya ni Trump sa imigrasyon. Pinayuhan sila ni Pangulong Duterte na magsiuwi na sa Pilipinas dahil hindi niya matutulungan ang mga ito. Napakaraming Pilipinong propesyunal sa Amerika — mga doktor, nurse, inhinyero, information technology expert — na maaaring maapektuhan ng istriktong ipinatutupad na immigration ban, ngunit umaasa sila sa pahayag ni Trump na magpapanukala ito ng isang “merit-based” immigration system, gaya ng sa Canada at Australia, na magpapahintulot sa kanilang manatili sa Amerika.
Masusi nating sinusubaybayan ang mga pangyayaring ito sa Amerika, sa ilalim ng pamumuno ni President Trump. Ang desisyon niyang magtakaga ng isang kalihim ng kagawarang pangkalikasan ay posibleng bahagya lamang makaapekto sa atin, subalit ang kanyang mga polisiya sa immigration ay tiyak na magkakaroon ng epekto ng marami sa atin dito sa bansa.