SIRUMA, Camarines Sur – Nasawi ang tatlong miyembro ng isang pamilya makaraang kumain ng Pufferfish lagocephalus o Tikong sa kanilang bahay sa islang barangay ng Cabugao sa bayan ng Siruma sa Camarines Sur kahapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jovelyn Barba Alano, 11; Jhon Win; at isang hindi pa pinapangalanan.

Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Region 5 Director Dennis Del Soccoro, iniluto ng magulang ng mga bata ang Tikong para sa hapunan at isang oras matapos kumain ay dumanas na ng pananakit ng tiyan ang mga ito.

Hindi naman kaagad na nadala sa ospital ang mga biktima dahil isang islang barangay ang Cabugao.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Nabatid na dahil sa nangyari sa mga anak ay nagtangka ang magulang ng mga ito na magpakamatay sa pamamagitan ng pagkain din ng Tikong, at kritikal ngayon ang lagay sa Bicol Medical Center sa Naga City.

Mahigpit na ipinagbabawal ng BFAR ang pagbebenta at pagkain ng Tikong dahil nakalalason ito, alinsunod sa Administrative Order No. 249, series of 2014 ng kawanihan. (RUEL SALDICO)