Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:15 n.h. -- Meralco vs Mahindra

7 n.h. -- NLEX vs Rain or Shine

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

HALOS dalawang linggo pa lamang ang nakakalipas matapos ang Philippine Cup, sisimulan ngayong hapon ang PBA 42nd Season Second Conference sa pamamagitan ng nakagawiang double-header sa Araneta Coliseum.

Magtutuos sa pambungad na laban ang Meralco at Mahindra ganap na 4:15 ng hapon na susundan ng salpukan ng NLEX at Rain or Shine ganap na 7:00 ng gabi.

Tatlong balik-imports at isang bagong salta ang matutunghayan sa pagsisimula ng kanilang misyon na pamunuan ang kinabibilangang koponan sa foreign-laden conference.

Para sa unang salpukan, magkakatapat ang nagbabalik na import ng Floodbusters na si James White at ang bagong import ng Bolts na si Alex Stephenson.

Ang 23-anyos na si White ay nakapagtala ng average na 24 puntos, 13 rebound at dalawang block para sa Mahindra noong nakaraang 2016 Commissioners Cup.

Dati namang NBA D League All Star ang 29-anyos na si Stephenson na dati ring 2013 Slovenian Supercup MVP na siyang napusuan ni coach Norman Black para pangunahan ang Bolts kasunod ng kanilang runner-up finish sa Barangay Ginebra noong 2016 Governors Cup.

Sa tampok na laro, kinuha ng Elasto Painters ang serbisyo ni dating Globalport import Shawn Taggart, na tatapatan ng dati nilang import, ang 2015 Commissioners Cup Best Import na si Wayne Chism na ngayo'y makakasama ng dati nilang coach na si Yeng Guiao sa kampo ng Road Warriors.

Ang second conference kung saan pinapahintulutan ang mga teams na kumuha ng import na may height limit na hanggang 6-foot-10 ay may kahalintulad na format gaya ng nakaraang Philippine Cup kung saan lalaro ang lahat ng teams sa single round robin eliminations.

Ang top 8 teams ay uusad sa playoffs kung saan may twice-to-beat advantage ang top two squads kontra no. 8 at no. 7 habang maglalaban naman sa best-of-3 series ang no. 3 at no. 4 gayundin ang no. 5 at no. 6.

Uusad sa best-of-5 semifinals series ang apat na mangungunang koponan kung saan ang magwawagi ay magtutuos sa isang best-of-7 finals series. (Marivic Awitan)