Ikinataranta ng mga motorista ang isang metal grinder at ilang aerosol sprayer na nakapaloob sa isang “kahina-hinalang” bagahe na inabandona sa Makati City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Senior Supt. Dionisio Bartolome, hepe ng Makati police, nadiskubre ang bagahe ng isang security guard sa kahabaan ng Buendia Avenue, Barangay Bel-Air, bandang 7:30 ng gabi.

Nagsagawa ng disarming procedure ang mga tauhan ng Bel-Air Police Community Precinct (PCP-6) at Explosive Ordnance Division (EOD) ng Makati police matapos kakitaan ng “positive reaction” ang K9 unit.

Gayunman, matapos isagawa ang nasabing procedure, walang natagpuang bomba sa bagahe. Sa halip ito ay naglalaman ng metal grinder at mga aerosol sprayer.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bago ito, ilang netizen ang nag-post sa social media tungkol sa umano’y “explosion” sa Makati City sa kasagsagan ng rush hour.

Sa post ng isang netizen sa kanyang Twitter account: “They closed down a section of a road in Makati because of a bomb,” idinagdag na habang siya ay naglalakad palayo sa Buendia Avenue, “it exploded.”

Kaugnay nito, nakiusap si Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., Southern Police District (SPD) director, na huwag basta-basta mag-post sa social media ng mga detalyeng magiging sanhi ng pagkataranta ng publiko.

“It was just a suspicious package. Negative naman (sa ano mang uri ng pampasabog),” pahayag ni Apolinario sa Balita.

(Martin A. Sadongdong)