Inulan ng batikos ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa ipinaplano nitong “congestion pricing o traffic congestion fee”, na layuning pagaanin ang daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila, partikular na sa EDSA.
Karamihan sa mga motorista ang napakunot-noo nang malaman na sisingilin sila sa kanilang pagdaan sa nasabing kalsada at idinahilan na buwis ng mamamayan ang ipinapagawa sa mga ito.
Iginiit ng mga motorista na nagbabayad na sila ng road user tax sa pagpaparehistro ng sasakyan at marami nang batas-trapiko na ipinatutupad ang MMDA ngunit hindi pa rin nasosolusyunan ang traffic.
Nabatid na nais gayahin ng ahensiya ang traffic congestion fee na ipinatutupad sa Singapore sa dahilang makatutulong ito sa pagpapaluwag sa trapiko tuwing rush hours.
“The Singapore government has given its offer to help us. This is government to government consultation. People say we lack public transport but we cannot just wait for it, we need to come up with solutions,” sabi ni MMDA General Manager Tim Orbos.
“We need to reduce the number of vehicles time bound; not the whole day. Taking Edsa as our reference point, right now everybody can traverse Edsa. With congestion pricing, there certain hours where there is fee,” dagdag niya. (Bella Gamotea)