Nanawagan si Senator Antonio Trillanes IV ng imbestigasyon sa napaulat na presensiya ng mga barko ng China sa Benham Rise at sa pahayag ng Beijing na hindi maaaring angkinin ng Pilipinas ang nasabing lugar bilang teritoryo nito.

Inihain kahapon ni Trillanes ang Senate Resolution No. 330 na humihimok sa committees on foreign relations at national defense and security na magsagawa ng pagsisiyasat, in aid of legislation ‘with end in view of coming up with remedial legislation upholding the country’s territorial integrity and asserting its exclusive sovereign rights over the Benham Rise region.”

“There is an immediate need to investigate on China’s alleged surveying of the Benham Rise region and their statements on Philippines’ assertion of its sovereign rights over the said region,” ani Trillanes.

Tinukoy ng senador ang Article 1 ng 1987 Philippine Constitution na nagsasaad na “the national territory comprises the Philippine archipelago, with all the islands and waters embraced therein, and all other territories over which the Philippines has sovereignty or jurisdiction.... including its territorial sea, the seabed, the subsoil, the insular shelves, and other submarine areas.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binanggit din niya ang isang resolusyong pinagtibay ng United Nations Commission noong Abril 2012 na nagkakaloob sa Pilipinas ng eksklusibong sovereign rights upang galugarin at gamitin ang mga likas na yaman sa Benham Rise, na malapit sa Dinapigue, Isabela.

Sa kanyang apela, binanggit din ni Trillanes ang pagkumpirma noong nakaraang linggo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa loob ng tatlong buwan noong 2016 ay namataan ang survey ship ng China sa Benham Rise.

Kasunod nito, nilinaw ng China na “innocent passage” lang ang pagdaan ng kanilang mga barko sa Benham Rise.

INIRERESPETO NG CHINA

Kahapon, sinabi ng China na inirerespeto nito ang karapatan ng Pilipinas sa continental shelf sa Benham Rise, at wala itong planong kuwestiyunin ang nasabing karapatan.

Gayunman, sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Hua Chunying na batay sa pangunahing prinsipyo ng pandaigdigang batas, ang exclusive economic zone at ang continental shelf ay hindi katumbas ng teritoryo.

NAKADEPENSA

Ngunit habang pinagpapaliwanag ng ating Department of Foreign Affairs ang China sa panghihimasok ng mga barko nito sa Benham Rise, mistulang ipinagtatanggol naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Beijing sa kanyang naging pahayag.

Aniya, ang China ay “no incursion” sa Benham Rise, at pinalalaki lamang ng ilang tao ang usapin.

Pinuri naman ng China ang pahayag na ito ng Presidente. (ELENA L. ABEN, LEONEL M. ABASOLA at ROY C. MABASA)