LAHAT ng Pilipino ay naghahangad at umaasa na magkaroon ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa bansa. Gayunman, ang hangarin at pag-asang ito ay laging nauunsiyami dahil sa hindi pagkakasundo ng gobyerno ng Pilipinas at ng komunistang kilusan na ang layunin ay sila ang mag-take over sa renda ng pamahalaan.
Karamihan sa mga Pinoy ay hindi naniniwala na sinsero ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa pakikipag-usap ng kapayapaan sa pamahalaan. Higit ang paniniwala nila na ang talagang tunay na layunin ng mga komunista ay hawakan ang poder at sila at maluklok sa Malacañang.
Nitong nakaraang ilang araw, muling nagbago ang isip si President Rodrigo Duterte at pumayag na ipagpatuloy ang peace talks at ibalik ang truce o tigil-putkan kasunod ng madudugong sagupaaan at pagtambang ng rebeldeng NPA sa ilang lugar sa bansa, kabilang ang Davao City. Sinabi niyang papayag lang siyang muling makipag-usap kung may “compelling reasons.” Eh, meron nga bang compelling reasons gayong patuloy ang pag-atake ng NPA sa mga pulis at sundalo?
Mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nagpahayag na hindi sinusunod ng NPA na nasa kabundukan (ground guerrilas) ang liderato ng CPP-NPA na nakabase sa Netherlands. Patuloy sila sa pagsalakay, pagtambang, pagdukot at panununog ng heavy equipment ng mga kumpanya na tumatangging magbayad ng “revolutionary tax”.
Isiping habang nag-uusap ng kapayapaan ang lupon nina Joma Sison, Fidel Agcaoile, ex-priest Jalandoni at NDF consultants sa Norway sa gov’t panel, sumasalakay, nananambang at nanununog naman ang mga rebeldeng NPA sa kapatagan kahit umiiral ang ceasefire o tigil-putukan.
Sa pagtatapos ng 167 kadete ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City noong Linggo, muling nagkita (kahit hindi magkatabi) sina Mano Digong at VP Leni Robredo. Si PDu30 ang guest speaker at nagbigay ng gawad sa PMA Class 2017 valedictorian samantalang si VP Leni ang naggawad sa salutatorian. Walo sa Top 10 ang nakuha ng mga babaeng kadete.
Nang magsalita na si Pres. Rody, nakalimutan niyang banggitin ang pangalan ni Robredo. Nasa gitna na siya ng talumpati nang maalala na naroroon nga pala ang bise presidente. Humingi ng paumanhin si Mano Digong sa “beautiful lady” at sinisi ang speechwriter sa hindi pagkakasama ng pangalan nito sa dapat batiin. Dapat daw bugbugin ang speechwriter.
Tawanan ang lahat. Bulong ng kaibigang kong palabiro pero sarkastiko: “Talagang sinadya ‘yan ni Duterte kasi kahit wala sa kanyang speech ang pangalan ni VP Leni, alam naman niyang naroroon ito dahil kinamayan pa niya at nag-abot pa ng gawad sa salutatorian.”
Sundot ni senior-jogger: “Buti nga nag-apologize sa “beautiful lady”, at hindi idinagdag ang VP na may maputing tuhod.” Bukod sa nakalimutang banggitin ang pangalan ni VP Leni gayong siya ang dapat unang batiin bago si Sec.
Lorenzana at military officials, nakalimutan din niyang iutos sa commander ang “tikas pahinga”. Badya ng Pangulo: “I apologize ma’am, it was not done. Ang nagsulat ma’am nito hindi ka sinali, ma’am. Bugbugin na lang natin.” Tawanan at palakpakan ang mga tao.