ILANG linggo na lang at magkakaroon na naman ng mahabang bakasyon. Ang tinutukoy ko ay ang Semana Santa sa ikalawang linggo ng Abril.

Handa na ba kayo sa mahabang bakasyon?

Ngunit bago isipin ang pagpapasarap at pagpapakaligaya dahil ilang araw na walang pasok sa mga paaralan at opisina, isapuso muna natin ang pinakamahalagang yugto sa Kristiyanismo — ang pagkamatay ni Kristo Hesus para mailigtas tayo sa impiyerno.

Tayo’y magnilay-nilay, magkumpisal, at humingi ng tawad sa ating mga kasalanan. Ipagdasal ang mga naaapi, may karamdaman at kapos sa buhay.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Dapat magsakripisyo ang lahat.

Kung pag-uusapan ang sakripisyo, marahil na unang pumapasok sa inyong isipan ang matinding trapiko na nararanasan ng mga motorista araw-araw.

Marahil ay hindi na nakaligtas sa inyo ang matinding traffic na nararanasan diyan sa magkabilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa mga nakahilerang orange pylon sa innermost lane ng highway.

Marami ang nagtataka kung bakit ilang buwan na matapos ang sinasabing “expansion project” sa NLEX pero pinagbabawalan pa rin ang mga motorista na gamitin ang bagong kumpuning lane.

Makinis ang pagkaaspalto ng magkabilang lane at talaga nga namang nakagigigil na dumaan dito. Ngunit ipinagbabawal pa rin ito ng NLEX management.

Bakit?

Ayon sa source ni Boy Commute, ang pagpapatupad sa naturang expansion project ay bunsod ng kasunduan ng Toll Regulatory Board (TRB) at NLEX management.

May kinalaman ito sa bagong kahilingan ng NLEX management sa TRB na aprubahan ang kahilingan ng una sa toll fee hike.

Natural, pumalag ang TRB dito. Subalit hindi agad nito tinalikuran ang hiling ng NLEX. Sa halip, naglatag ito ng isang kondisyon: Palaparin muna ang mahabang bahagi ng NLEX bago aprubahan ang toll fee hike.

Kaya dali-daling nagpadala ang NLEX ng mga bulldozer, roller at daan-daang obrero sa kahabaan ng expressway upang ipatupad ang expansion project.

Sa isang idlip, bumulaga na ang napakagandang inner lane sa mga motorista na walang kaalam-alam sa mga kaganapan.

Mabilis na nakumpuni ang karagdagang lane subalit matapos ang maraming buwan ay hindi pa rin ito nadadaanan dahil sa mga nakahilerang orange pylon.

Iniisip tuloy ng NLEX management na ‘tila na-onse sila ng TRB.

Iniisip naman ng TRB: Neknek n’yo! Ano’ng toll fee hike?

Habang patuloy ang girian ng dalawang ahensiya, motorista ang nahihirapan.

Ngayong Semana Santa, bubuhos na naman ang mga biyahero sa NLEX at hanggang hindi inaalis ang mga orange pylon doon, asahan n’yo na ang matinding kalbaryo! (ARIS R. ILAGAN)