Ang pag-alingasaw ng masangsang na amoy ang dahilan ng pagkakadiskubre sa bangkay ng television director ng Malacañang, nitong Martes ng hapon.
Inaalam na ng pulisya ang dahilan ng pagkamatay ni Robert Linesis, 52, ng Unit 217, 2439 Legarda Street, Sampaloc, Maynila.
Sa imbestigasyon ni Det. Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:00 ng umaga nadiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang bahay.
Ayon sa mga katrabaho ng biktima na sina Aberlardo Gragasin, 64; at Antonio Martinez, 55, huli nilang nakitang buhay ang biktima noong Marso 10.
Gayunman, nitong Marso 13 at 14 ay hindi na umano pumasok sa trabaho ang biktima at hindi rin sinasagot ang kanilang mga tawag kaya inutusan na sila ng kanilang director na puntahan na ito sa bahay.
Pagdating umano nila sa bahay ng biktima ay nakaamoy sila ng mabaho at kahit anong tawag at katok ang gawin nila ay walang sumasagot.
Dito na umano kinutuban sina Gragasin at Martinez na may hindi magandang nangyari kay Linesis kaya kaagad nila itong ini-report sa barangay.
Puwersahan namang binuksan ng mga awtoridad ang pintuan ng bahay ng biktima at dito na bumulaga ang bangkay.
(Mary Ann Santiago)