NAPURNADA ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NDF-CPP-NPA) noong unang bahagi ng Pebrero matapos igiit ng NDF-CPP-NPA ang pagpapalaya sa nasa 400 political prisoner.
Nang tumanggi si Pangulong Duterte, sa katwirang napalaya na niya ang ilang bilanggo na kinakailangan bilang tagapayo sa NDF-CPP-NPA panel, sinabi ng panel chairman na si Fidel Agcaoili sa mga opisyal ng armadong sangay nito — ang NPA — na malayang makapagpapasya ang mga ito kung ipagpapatuloy ang ipinatutupad na tigil-putukan, batay sa pagtaya ng mga ito sa sitwasyon sa mga lugar ng labanan. Kasunod nito, naglunsad ang NPA ng sunud-sunod na pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaagad namang tumugon dito si Pangulong Duterte. Kinansela ang usapang pangkapayapaan at nagpatuloy ang mga bakbakan.
Ngunit maraming opisyal ang patuloy na umaasam sa kapayapaan. Nasa 100 kongresista ang nanawagan sa pagpapatuloy ng negosasyon, dahil marami na anila ang napagkasunduan ng magkabilang panig sa tatlong pagpupulong sa Oslo, Norway, at sa Rome, Italy. Nakatakdang idaos ang ikaapat na pulong sa Utrecht, Switzerland, nang mapurnada ang usapan.
Ang pangunahing sanhi sa pagkansela sa negosasyon ay ang hiling na palayain ang 400 pang political prisoner, na tinanggihan ni Pangulong Duterte. Binigyang-diin niya na bagamat nagkaroon ng mga paunang kasunduan sa maraming usapin — socio-economic at legal-political — hindi naman magkasundo ang magkabilang panig sa pinag-isang tigil-putukan. Nagpapatupad sila ng kani-kanilang tigil-putukan.
Iginiit ng NPA na ang mga operasyon ng militar sa mga komunidad — pagtungo sa mga kabundukan at liblib na barangay para sa mga programang sibiko kaisa ang kabataang volunteers — ay paglabag sa tigil-putukan. Kaya naman tinangay at binihag nila ang isang sundalo na katuwang ng isang grupo ng kabataan. Sa puntong ito, sinabi ng NDF panel chairman na si Agcaoili sa mga kumander ng NPA na hindi na saklaw ng tigil-putukan ang mga ito.
Hindi ba sapat ang mga insidenteng ito na gawing batayan sa pagkakapurnada ng negosasyon? May sapat na panahon ang magkabilang panig upang ikonsidera ang mga insidenteng ito sa nakalipas na anim na linggo at marapat nilang maunawaan na napakaraming nakataya rito, dapat na bawasan ang mga hinihiling at maging higit na maunawain, maging bukas sa mga pagkakasundo sa mga nakompromiso.
Nitong Biyernes at Sabado ay muling nagharap ang magkabilang panig sa hindi pormal na pag-uusap sa Netherlands at nagpasyang ipagpatuloy ang pormal na negosasyon sa unang linggo ng Abril. Nagkaroon sila ng apat na buwan upang pagnilayan ang mga nangyari, alamin kung paanong napurnada ang pag-uusap, at gumawa ng mga hakbangin upang matiyak na tuluyan nang maipagpapatuloy ang negosasyon pangkapayapaan sa paghimay sa mga pangunahing usapin lamang na may kinalaman sa mga reporna sa lipunan at pang-ekonomiya, at sa mga pagbabagong pangkatarungan, legal, pulitikal at konstitusyonal sa pamumuhay sa ating bansa.
At dapat nilang mapagtibay ang isang pinagkasunduang tigil-putukan.