May panahon pa ang mga lider ng House of Representatives na bumoto kontra sa House Bill 4727 o Death Penalty Bill na ayusin ang mga bagay-bagay sa kani-kanilang mga komite matapos magpasya ang liderato ng Kamara na ideklarang bakante ang kanilang mga posisyon sa pagbabalik ng sesyon ng Mababang Kapulungan sa Mayo.

Nangako si House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na ipatutupad ang revamp policy sa liderato ng Kamara kahit na mangangahulugan pa ito ng pagkasira ng mga relasyon.

Sinabi niya na papalitan ang mga ‘pro-life’ na lider ng Kamara, kabilang si dating President at Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ng Pampanga, pagkatapos ng bakasyon.

“They will be replaced after we return back from (congressional) break,” ani Alvarez sa mga mamamahayag.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

“It will happen after the break. We are just waiting for the nominees from the respective parties,” sabi pa niya.

Bukod kay Arroyo, inaasahang aalisan din ng mahahalagang posisyon sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Sato, Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. Si Sato ay miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA), si Santos-Recto ang namumuno sa Committee on Civil Service and Professional Regulation, si Belmonte ang lider ng Committee on Land Use at si Bag-ao ay chairman ng Committee on People Participation.

Hindi makaliligtas sa balasahan ang Makabayan bloc.

Aalisin din sa posisyon sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, chairman ng Committee on Public Information; Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, chairman ng Committee on Natural Resources; at Gabriela Rep. Emmi De Jesus, chairman ng Committee on Poverty Alleviation matapos silang bumoto kontra sa prayoridad na panukala ng liderato ng Kamara.

“We have to apply the same rule,” punto ni Alvarez.

Inaasahang papalitan din sina Batanes Rep. Henedina Abad, chairperson ng Committee on Government Reorganization, at Buhay party-list Rep. Mariano Michael Velarde bilang chairman ng Committee on Overseas Workers Affairs.

Sinabi ni Alvarez na wala siyang magagawa kung ipagpalagay na makasisira sa magandang samahan ang kanyang polisiya at mawawalan siya ng suporta.

“Well, if I’m burning bridges, so be it. Wala ako magagawa dyan,”giit niya. (CHARISSA M. LUCI)