CAMILING, Tarlac - Naunsiyaming makatapos sa pag-aaral ang isang 12-anyos na lalaki nang mabundol siya ng isang aluminum closed van sa highway ng Barangay Palimbo Caarosipan sa Camiling, Tarlac, kahapon ng umaga.
Kinilala ni PO1 Jexter Casongsong ang biktimang si Fred De Jesus, na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan makaraang mabundol ng van (RMW-959) na minamaneho ni Benjamin Dela Peña, 40, may asawa, ng Bgy. Malining, Cuyapo, Nueva Ecija.
Ayon sa report, bandang 7:00 ng umaga at nakikipaglaro si De Jesus sa kanyang mga kaibigan nang bigla siyang tumawid at aksidenteng nasalpok ng paparating na van.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang bata, habang kusa namang sumuko sa pulisya ang driver. (Leandro Alborote)