“ALL out friendship”. Ito ang naging epektibong pamamalakad ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, Sr. sa pagbaka kontra mga komunista. Hindi dapat ang Pamahalaan ang namimilit sa pagkakaroon ng “peace talks”. Kailangan hayaan ng gobyerno ang mga teroristang rebelde kung saang landas ang nais nilang tahakin. Kung seryoso sila magkaroon ng kaayusan sa kanilang buhay, malaya silang lumapit sa pamahalaan, ikalong ang mga armas at magbalik-loob sa programa ng reporma na igagawad sa mga sumuko. Habang ang matitigas ang ulo, tuloy ang pakikipagbakbakan!
Sa ganitong diskarte, malinaw lahat –walang usapang lasing o panghu-Hudas na pabalik-balik nagaganap. Tumpak itong estratehiya ni Magsaysay para ang “usapang pangkapayapaan” ay hindi kasangkapanin upang umabante ang ideolohiya ng rebolusyon sa kanayunan, protesta sa lansangan at pagbalanse sa mga sektor ng ating lipunan; manggagawa, estudyante/kabataan, magsasaka, guro, atbp. sa hangaring magkagulo ang Republika, sabay maitatag ang komunistang pamamahala.
Huwag ituloy ang “peace talks” sa NDF. Hindi naman ang nasabing grupo ang may tangan sa NPA, mga frente ng kilusan, at mga party-list. Ang CPP ang siyang “mastermind” sa mga nabanggit na samahan. Sakaling gusto ng Palasyo itulak ang “usapang pangkapayapaan”, limitahan ito sa panlalawigan o pang-rehiyon na mga lider komunista o commander ng NPA na ibig magbagong buhay. Sila ang bibigyan ng sapat at tapat na pagkalinga ng GRP upang makapagsimula muli. Ang tawag dito, “Localized peace talks”.
Sa totoo lang, ang nagaganap na “usapan” sa abroad, hindi na “peace talks’. Bagkus, ang CPP ang tumutukoy sa nagiging agenda sa bawat pagpupulong. Sila ang nagmamando kung ano ang tampok na tatalakaying usapan at kung anong mga hakbang ang dapat ipatupad ng gobyerno. Pampulitika at pamamahala na ang kuwentuhan hindi na kapayapaan.
Bistuhin natin na ang layunin ng CPP sa peace talks ay “coalition government”. Magtitiwala ba tayo sa CPP na nasa likod noon ng Plaza Miranda Bombing? Buhay at dugo ang gumuguhit sa deka-dekadang nilang giyera. Itong huli, ang pananambang sa apat na pulis sa Bansalan, Davao del Sur.
Tama na, sobra na! (Erik Espina)