NUEVA ECIJA - Dahil sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na sugal, tatlong operator ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) nitong Martes.
Sunud-sunod na pagsalakay ang inilatag ng mga operatiba ng PIB, sa pamumuno ni Chief Insp. Alexander Aurelio, at sa raid sa Barangay Poblacion, San Isidro, ay naaktuhan umano si Mark Cristobal y Robles, 23, binata, at nakumpiskahan ng mga gamit sa drop-ball o colored game at P730 bet money.
Sa raid sa Bgy. Sangitan, Cabanatuan City ay nasakote naman si Dexter Molina y Barrera, 38, operator din ng drop-ball, at nasamsaman ng P550 taya at gamit sa pagsusugal.
Dinampot naman si Eugene Tamayo y Flores, 30, operator ng colored game, sa pagsalakay sa Bgy. Poblacion Norte sa bayan ng Rizal. (Light A. Nolasco)