Wala na ngang naiuwing pera sa pamilya, nagpapagaling pa ng mga pasa sa ulo at mukha ang isang taxi driver makaraang holdapin ng kanyang pasahero sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Cesar Saromines, 52, tubong Davao City, at residente ng R. Papa Street, Tondo, Maynila.
Sa salaysay ng biktima sa Station Investigation Branch (SIB), bandang 4:00 ng madaling araw ay namamasada siya, gamit ang Envito taxi cab (TYV-498), sa Monumento, Caloocan City nang parahin siya ng isang lalaki na nagpahatid sa Bahayang Pag-Asa, Barangay Maysan, Valenzuela City.
Pagsapit sa lugar, bigla na lang umano siya nitong pinagpapalo ng kahoy sa ulo dahilan upang siya’y manghina at mahilo.
Kinuha umano ng suspek sa kanyang bulsa ang kinita niyang P3,200 at inihulog siya sa saksakyan at saka humarurot palayo tangay ang nasabing taxi.
Sa follow-up operation, natagpuang abandonado ang taxi ni Saromines sa Cabral St., Bgy. Maysan. (Orly L. Barcala)