Makalipas ang halos tatlong taon, tuluyan nang naaresto nitong Lunes ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang wanted sa paghahalay sa 16 na taong gulang na babae.
Nadakma sa operasyon ng District’s special operations unit ng QCPD si Ian Bayani, 24, sa Barangay Kaligayahan, Novaliches, bandang 11:00 ng umaga.
Sa press conference kahapon, sinabi ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar na si Bayani ay wanted sa kasong rape matapos umano niyang pagsamantalahan ang dating 16 na taong gulang niyang kapitbahay sa Bgy. Kaligayahan noong Hulyo 3, 2014.
Ayon kay Eleazar, bandang 2:00 ng madaling araw ay sinamantala ni Bayani ang pag-alis ng ina ng biktima pagkakahimbing ng nakababata nitong kapatid.
Pinasok ni Bayani, aniya, ang bahay ng biktima at sinuntok ito sa tiyan.
Gamit ang screw driver, sinubukan umanong manlaban ng biktima ngunit sa lakas ng suspek ito ay kanyang nabitawan.
Kinaladkad umano ni Bayani ang biktima sa kabilang kuwarto at doon ginawa ang pang-aabuso.
Agad humingi ng tulong sa pulisya ang pamilya ng biktima ngunit hindi naabutan si Bayani sa kanyang bahay noong gabi ng araw na iyon.
Ipinahayag ni Eleazar na sa Victoria, Laguna umano nagtago si Bayani habang siya’y mainit sa mga mata ng awtoridad.
Matapos ang insidente ay umalis na sa nasabing lugar ang pamilya ng biktima ngunit ipinagpatuloy ang kaso laban sa suspek.
Noong Mayo 12, 2016, nag-isyu ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 89 laban kay Bayani.
Bukod sa kasong rape, nakatanggap din umano ng impormasyon si Eleazar na sangkot sa illegal drug trade si Bayani.
Ayon sa pulisya, Nobyembre ng nakaraang taon nang makatanggap sila ng report mula sa mga residente na bumalik na sa Bgy. Kaligayahan si Bayani.
Makalipas ang ilang buwang surveillance, tuluyan nang ikinasa ng QCPD ang kanilang operasyon at inaresto si Bayani.
Kasalukuyang nakakulong si Bayani sa DSOU sa loob ng Camp Karingal. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at JUN FABON)