MGA bulilit naman ang bida sa “Tawag ng Tanghalan Kids” sa It’s Showtime simula ngayong linggo, matapos magtala ang kakatapos na “Tawag ng Tanghalan” grand finals ng all-time high nationwide rating.

Sa bulilit version ng paborito at orihinal na kantahan ng bayan, itinanghal na unang daily winner at defending champion si John Clyd Talili ng Mindanao nitong Lunes.

Tunggalian pa rin ng kahusayan sa pag-awit ang mapapanood araw-araw, pero wala nang gong na pipigil sa contenders sa pag-awit ng mga bulilit. Isa pa, kapag nagwagi na ng limang beses ang defending champion, kailangan na niyang ipasa ang golden mikropono at maghahanap muli kinabukasan ng panibagong defending champion ang kumpetisyon.

Tinutukan ng buong sambayanan ang pagtupad ng pangarap ng “Tawag ng Tanghalan” grand champion at magsasakang si Noven Belleza noong Sabado (Marso 11) kaya nanguna sa nationwide ratings ang huling tapatan ng kumpetisyon.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Humakot ang number one noontime show ng mas maraming manonood at pumalo sa all-time high na national TV rating nitong 33.6%, o halos triple sa natamo ng Eat Bulaga, na nakakuha ng 11.7%, ayon sa viewership survey data ng Kantar Media.

Sinubaybayan ng netizens ang laban ng kani-kanilang pambato sa live streaming na nagkaroon ng humigit-kumulang 40,000 viewers – isa sa mga pinakamataas na naitala sa media website ng ABS-CBN.

Mainit ding pinag-usapan sa online world ang grand finalists at performances dahil nanguna ang hashtag na #TnTAngHulingTapatan sa listahan ng trending topics sa Twitter sa Pilipinas at sa buong mundo. Bukod pa riyan, nakuha rin ng “Tawag ng Tanghalan: Ang Huling Tapatan” ang 16 sa 20 na local trending topics sa naturang micro-blogging site.