NAGKABIRUAN sa set na may mortal daw na nakapasok sa mundo ng Encantadia kahit isinara na ang lagusan ng kaharian patungo sa mundo ng mga tao.
Ang tinutukoy nila ay hindi basta mortal na tao lamang. Dumating siya sa set na may bitbit na Japanese food para sa buong cast, si Quezon City Mayor Herbert Bautista.
“May pakain si Mayor,” post ni Direk Mark Reyes sa Instagram.
Nangumusta pala si Mayor Bistek na may mga kasama sa cast na mga kaibigan na niya noong Bagets days pa niya, at si Direk Mark.
Nagulat ang buong cast na naipon sa Makati Riverside Studio, ang location ng telefantasya nang dumating si Mayor Bistek. Nagpasalamat silang lahat sa pagdalaw, sa malasakit at sa dala-dala niyang pagkain na kasya sa buong cast at production staff. Masaya rin si Mayor Bistek na makita ang mga kaibigan at mabisita ang set ng number one telefantasya ng GMA-7.
Pero hindi kami magtataka kung biglang mag-appear si Mayor Bistek sa isang guest role sa telefantasya, since naroon at may malaking role na ginagampanan si Cong. Alfred Vargas.
Samantala, may papiging pala talagang magaganap sa ilang eksena ng Encantadia at may isang malaking production number na gagawin at gagampanan ng buong cast. Marami na ang nagtatanong kung kailan ito magaganap dahil ipinost din ni Direk Mark ang rehearsals ng cast.
Wala raw ang naturang eksena sa unang Encantadia noong 2005. Abangan na lang natin kung kailan magaganap ito sa isang episode na mapapanood pagkatapos ng 24 Oras sa GMA-7. (NORA CALDERON)