Napilitang magpatupad ng provisional service ang Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3) dahil sa umano’y pagtalon ng isang lalaki sa riles ng Guadalupe Station sa Makati City kahapon.
Sa abiso ng pamunuan ng MRT-3, dakong 1:52 ng hapon tumalon ang isang lalaki sa riles ng northbound lane ng Guadalupe Station kaya kinailangan pababain ang mga pasahero.
Kaagad namang dumating ang mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC) at dinala ang biktima sa pagamutan.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung talagang tumalon o itinulak ang biktima sa riles ng tren.
Tumagal ng isang oras, dakong 2:53 ng hapon, bago tuluyang naibalik sa normal ang operasyon ng tren.
(Mary Ann Santiago)