LAMAN ng mga balita ang Benham Rise sa nakalipas na mga araw. Isa itong rehiyon sa ilalim ng karagatan na nasa 250 kilometro sa silangan ng Isabela may 5,000 metro mula sa pusod ng dagat at 3,000 metro ang lalim. Isa itong rehiyon na seismically active at pinaniniwalaan ng mga siyentista na nakaapekto sa kanlurang bahagi ng Philippine Fault System noong 1990, na nagbunsod ng malakas na lindol na tumama sa Baguio City nang taon ding iyon.
Ngunit matagal na ring kilala ang Benham Rise sa sagana nitong pangisdaan. Pinaniniwalaang nangisda sa lugar ang mga sinaunang mamamayan sa Catanduanes bago pa man tayo sinakop ng mga Espanya at patuloy silang nangingisda roon hanggang ngayon. Taong 2008 nang naghain ng petisyon ang Pilipinas sa United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf upang pormal na angkinin ang Benham Rise, at inaprubahan n United Nations ang posisyong ito ng Pilipinas noong 2012.
Kaugnay ng kasaysayang ito, sinabi nitong Huwebes ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ilang barko ng China, kabilang ang isang pangdigma, ang namataan ng satellite na naglalayag palibot sa lugar sa loob ng tatlong buwan noong nakaraang taon. Kung babalikan ang nauna na nating alitan sa China kaugnay ng pag-angkin sa Scarborough Shoal na nasa kanluran ng Zambales sa South China Sea, nagpahayag ng pagkabahala ang kalihim na maaaring muling magkaproblema ang ugnayan ng Pilipinas sa China dahil sa panghihimasok ng huli sa Benham Rise.
Inilathala sa website nito, sinabi kamakailan ng Chinese foreign ministry na naglayag lamang ang kanilang mga barko sa nasabing bahagi ng karagatan. Kinilala ng kagawaran na inaprubahan ng UN ang paninindigan ng Pilipinas na ang Benham Rise ay maliwanag na saklaw ng continental shelf ng isla ng Luzon. Ngunit hindi ito nangangahulugan na maaari nang angkinin ng Pilipinas ang lugar bilang teritoryo nito, ayon sa kagawaran.
Umaasa tayong ang usapin sa Benham Rise ay hindi magresulta sa panibagong hindi pagkakasundo sa China. Matatandaan nating naghain ng kaso ang administrasyong Aquino sa Arbitral Court sa The Hague na kalaunan ay pumabor sa atin laban sa pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea. Gayunman, naniniwala si Pangulong Duterte na pinakamainam sa ngayon ang huwag itong igiit sa China at sa halip ay humanap ng mga paraan upang magkatulungan ang dalawang bansa sa mga proyekto kapwa natin pakikinabangan.
Kailangan lamang nating maging mapagmatyag at alerto laban sa alinmang uri ng panghihimasok na maaaring lumabag sa sinaunang karapatan ng ating mga mangingisda na hanguin sa sagana nating karagatan ang kanilang kabuhayan at sa ating legal na karapatan sa lugar, alinsunod sa pandaigdigang batas.