MISTULANG iniligtas kamakalawa ni Pangulong Duterte sa mga berdugo ng kabundukan at kagubatan si Secretary Gina Lopez laban sa mga humahadlang sa kanyang kumpirmasyon bilang Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. Maliwanag na kinakatigan ng Pangulo ang pagpapasara ng mga mining industry na nakapipinsala sa mga yamang-bundok at watersheds.
Tahasang inihayag ng Pangulo na isasakripisyo niya ang P70 bilyong taunang mining revenue alang-alang sa pangangalaga ng kapaligiran. Idinugtong ng Pangulo: “If you have something in mind about Gina, kindly rethink. Look at her passion.” Sa kanyang pahayag sa inagurasyon kamakalawa ng PTV 4 Cordillera Hub sa Baguio City, idinugtong niya: “I would rather follow Gina. Let’s just look for other sources to get P70 billion somewhere else and preserve the environment.”
Magugunita na sa kabila ng matinding pagtuligsa ng mga galamay ng mining industry kay Lopez, hindi man lamang siya natigatig. Bagkus, buong-giting niyang hinarap ang mga miyembro ng Commission on Appointments (CA), lalo na ang mga minero na mahigpit na tumutol sa kanyang kumpirmasyon bilang DENR Secretary.
Hindi maitago ang panggagalaiti ng ilang kasapi ng CA at ng mismong mga haligi ng industriya ng pagmimina sa paggisa, wika nga, kay Lopez. Mistulang mata lang niya ang walang latay dahil sa mga akusasyong ipinupukol sa kanya: Walang alam sa mining law, malupit at walang malasakit sa milyun-milyong mawawalan ng trabaho. Kaugnay ito ng kanyang pagpapasara sa mga minahan na sinasabing ilegal ang operasyon sa iba’t ibang panig ng kapuluan.
Gayunman, natitiyak ko na gagawin ng mga minero ang lahat ng paraan upang maipagpatuloy ang kanilang pamiminsala sa ating mga bundok at likas na kayamanan. Maraming dekada na silang namamayagpag sa gayong makasarili at mapaminsalang pagnenegosyo. Limpak-limpak na kayamanan ang kanilang hinahakot at kakarampot lamang ang nagiging pakinabang ng mga mining laborers.
Ang paninindigan ng Pangulo ay bunsod ng isinagawa niyang aerial survey kamakailan sa ating mga kabundukan, lalo na sa Surigao del Norte. Tumambad sa kanya ang malalawak na butas sa bundok at ang nawasak na mga watersheds.
Bigla kong naalala ang gayon ding survey ni dating Pangulong Fidel Ramos. Hindi nailingid ang naghihimagsik niyang kalooban nang makita ang kalbong kabundukan na hindi pinaligtas ng mga buhong na loggers o kaingenero.
Totoong may mga batas na nagpapahintulot sa responsableng pagmimina at pamumutol ng punongkahoy. Subalit natitiyak ko na walang batas na nag-uutos upang wasakin ang mga likas na kayamanan. Hindi kaya marapat lamang na isaalang-alang ang total log and mining ban? (Celo Lagmay)