Naka-hospital arrest ngayon ang isang lalaki na nagtangkang magpakamatay makaraang magwala at i-hostage ang kanyang mag-ina sa Barangay Malandog, Hamtic, Antique, kahapon.
Ayon sa imbestigasyon ng tanggapan ni Chief Insp. Joseph Bene, hepe ng Hamtic Municipal Police, tumagal ng isang oras ang hostage drama bago naaresto si Roland Colombres, Sr.
Sinabi ni Chief Insp. Bene na batay sa pagsisiyasat, dumalo sa isang kasiyahan ang mag-anak ng suspek hanggang malasing ang huli at nagsimula nang kumilos nang kakatwa. Ayon sa pulisya, isa ang selos sa mga dahilan sa biglaang pagwawala ng suspek, na hinostage ang kanyang mag-ina, pero nakatakas ang ginang kaya sinaksak ng suspek ang kanyang anak.
Dahil dito, dinamba ng mga pulis ang suspek at isinugod sa ospital ang anak nito. Gayunman, sa himpilan ng pulisya ay tinangka umano ng suspek na gilitan ang sarili ngunit napigilan siya. (Fer Taboy)