Iginiit ni Senador Antonio Trillanes IV na wala siyang plano na maglunsad ng destabilisasyon o kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Duterte.
Ito ay matapos sabihin ni Senador Panfilo Lacson na may mga balak si Trillanes na destabilisasyon nang igiit nito na ipagpatuloy ang pagdinig sa mga testimonya ng retiradong pulis-Davao City na si SPO3 Arturo Lascañas at sa apat pang umano’y miyembro rin ng Davao Death Squad (DDS) na nais tumestigo.
“I categorically deny na meron akong pinaplano o gagawing kudeta o destabilisasyon. Kaya rin walang kailangang pondohan ng sino man. Si Lascañas, Edgar Matobato ay nagsasabi lamang ng katotohanan para mamulat ang taumbayan tungkol kay President Duterte,” ani Trillanes.
Sinabi pa ng senador na imposible rin na pondohan siya ng mining companies at drug syndicates dahil kaibigan, aniya, ni Duterte ang mga ito.
“Ang mga mining companies ay mga kaibigan ni Duterte, kaya nga hindi niya ma-implement ‘yung suspension order ni (Environment) Sec. (Gina) Lopez. Kaibigan din niya ang mga drug lord kaya nga wala pang nahuhuli maski isa, at mahihirap lamang ang napapatay,” sambit ni Trillanes.
Sinabi ni Duterte nitong Lunes na ilang kumpanya ng minahan ang planong pabagsakin ang kanyang administrasyon.
(Leonel M. Abasola)