Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang malaking grupo ng mga kumpanya ng minahan sa bansa laban kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez dahil sa umano’y perhuwisyong naidulot ng pagpapasara ng kalihim sa operasyon at pagsuspinde sa kontrata ng ilang mining company.

Inihain ang criminal complaint na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at kasong administratibo na paglabag sa Section 49(b) at (c) ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP) laban kay Lopez nitong Lunes.

Batay sa reklamo ng COMP, bukod sa illegal actions ay wala pa umanong “basehan” si Lopez upang ipasara at suspindehin ang ilang minahan sa bansa.

Paliwanag ng grupo, pagkaluklok kay Lopez bilang kalihim ay nagpalabas na kaagad ito ng Memorandum Order No. 2016-01 na nag-aatas na isailalim sa audit ang mga kumpanya ng minahan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa reklamo, bago pa nakapagpalabas ng audit report ang Mine Audit Team para sa mga mining company ay inihayag na umano ng kalihim na sususpindehin niya ang ilang kumpanya ng minahan.

Tinawag pa ng COMP na “biased” at “undignified proclamations” ang ginawa ni Lopez noong Setyembre 2016 hanggang Enero 2017.

IPINAGTANGGOL

Kaugnay nito, idinepensa kahapon ni DENR Undersecretary for Legal Affairs Maria Paz Luna si Lopez at tinawag na “baseless” ang mga alegasyon ng COMP.

“The mining companies knew of these audits; they allowed these audits. After the audits were done by the teams, the DENR sent them the audit reports. They had an opportunity to respond with their explanations on the findings of the audit,” ani Luna.

Nitong Lunes ay nagpahayag din ng buong suporta si Pangulong Rodrigo Duterte kay Lopez sa malasakit ng huli para proteksiyunan ang kalikasan laban sa mga mapaminsalang minahan.

Una nang iginiit ni Lopez na ang kanyang mga naging hakbangin laban sa mga minahan ay alinsunod sa umiiral na batas na umano’y nilabag ng mga ito.

HINDI NAKUMPIRMA

Samantala, tuluyang nabigo si Lopez na makumpirma ng Commission on Appointment (CA) kahapon matapos na hindi siya makadalo sa pagdinig.

Hindi kasi maaaring pagbotohan ng CA ang isang kandidato na wala sa plenaryo ng Senado.

Maaaring italaga muli sa puwesto si Lopez at isalang ang kanyang nominasyon sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo, matapos ang bakasyon sa Semana Santa, na magsisimula ngayong Miyerkules.

Matatandaang nagisa nang husto si Lopez sa pagdinig ng CA sa kanyang kumpirmasyon matapos na ilahad ang matitinding oposisyon sa kanyang nominasyon. (ROMMEL P. TABBAD, VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at LEONEL M. ABASOLA)