ZAMBOANGA CITY – Napatay ang kilabot na sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) makaraang manlaban sa mga pulis at sundalo sa Tawi-Tawi, kahapon.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Commander Maj. Gen. Carlito G. Galvez, Jr., ang napatay na si Buchoy Hassan, alyas “Black” o “Bocoi”, sub-leader ng Abu Sayyaf.
Sinabi ni Galvez na napatay si Hassan sa operasyon ng Joint Task Force Tawi-Tawi at ng pulisya sa bahay ng suspek sa Barangay Panglima Alari, Sitangkai, kahapon.
Nasamsam din ng mga awtoridad ang isang M16 rifle, limang speed boat, at ilang outboard motor mula sa bahay ni Hasaan, ayon kay Galvez.
Wanted din si Hassan, 48, sa Malaysia dahil sa pagkakasangkot sa pagdukot sa Taiwanese na si Chang An Wei, alyas “Evelyn Chan”, sa Pom Pom Island Resort sa Sabah noong Nobyembre 2013.
Sinabi naman ni AFP-WestMinCom Spokesperson Capt. Jo-Ann Petinglay na ginagamit ni Hassan ang nakubra nito sa ransom money sa pagbebenta ng shabu sa mga munisipalidad ng Sibutu, Sipangkot at Bongao sa Tawi-Tawi. (Nonoy E. Lacson)