GUIMBA, Nueva Ecija - Malagim na kamatayan ang sinapit ng apat na umano'y holdaper na lulan sa dalawang motorsiklo makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa checkpoint sa Barangay San Roque sa Guimba, Nueva Ecija, nitong Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ng Guimba Police kay Senior Supt. Antonio C. Yarra, Nueva Ecija Police Provincial Office director, kinilala ang apat na napatay na sina Ronald Fermin, Dodie Fermin, Freddie Villanueva at isang alyas “Mateo”.
Base sa police report, itinimbre sa pulisya ang tungkol sa apat na armadong lulan sa dalawang motorsiklo ngunit tumakas ang mga ito nang mamataan ang checkpoint. Nauwi sa bakbakan ang insidente hanggang sa mapatay ang mga suspek, na nabatid na sangkot sa bentahan ng droga sa Nueva Ecija.
Narekober sa crime scene ang isang .38 caliber revolver, isang shotgun, mga bala ng matataas na kalibre ng baril, apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang botelya ng crystaline substance at isang granada.
(Light A. Nolasco)