Nasa 300 pamilya ang lumikas mula sa magkakalapit na barangay sa Datu Salibo, Maguindanao kasunod ng magdamagang pambobomba ng militar sa kuta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), na pinamumunuan ni Kumander Bungos, nitong Lunes ng gabi, inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Philippine Army Capt. Ervin Encinas, hepe ng Public Affairs Office ng 6th Infantry (Kampilan) Division, target nila ang grupo ni Kumander Bungos na nagkukuta sa mga barangay ng Tee at Andavit sa Datu Salibo.

Kinumpirma pa ng Kampilan Division na may tatlong teroristang Indonesian ang kasama sa grupo ni Bungos, at ang mga ito ang nagsasanay sa paggawa ng bomba.

Iniulat din ng militar na nasa 15 katao ang nasawi sa air to ground assault ng militar, at 11 sa nasabing bilang ay miyembro ng BIFF.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaagad namang pinabulaanan ni Abu Misry, tagapagsalita ng BIFF, ang nasabing pahayag ng militar.

Ayon kay Misry, ang nasabing operasyon ng militar ay bahagi ng plano ni Pangulong Duterte na magdeklara ng martial law sa Mindanao, ngunit iginiit niyang hindi natatakot dito ang BIFF.

Simula noong nakaraang linggo ay pinaigting ng BIFF ang mga pag-atake nito sa militar at sa mga pasilidad ng pamahalaan, kabilang na ang pagsalakay ng nasa 30 miyembro nito sa posisyon ng 1st Mechanized Company nitong Marso 11.

Nauna rito, nagbanta si Pangulong Duterte na magdedeklara ng martial law sa Mindanao kung magpapatuloy ng kaguluhan at terorismo sa rehiyon.

“Currently, Mindanao is becoming lawless with the shabu as a fuel for terrorism. There’s a lot of shabu and everyday, everyday two or three, four security forces, including the police, die,” sinabi ng Pangulo sa isang presscon sa Malacañang nitong Lunes. (Fer Taboy, Leo Diaz at Genalyn Kabiling)