Habang tinatalakay ng House of Representatives Committee on Ways and Means ang iba’t ibang tax reform proposals noong Lunes nitong nakaraang Linggo, sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na dapat pag-isipan ng gobyerno ang pagpapataw ng buwis sa mga eskuwelahang pinatatakbo ng Simbahan. Sinabi niya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na rebyuhin ang tax exemption privileges na ipinagkakaloob sa religious schools.
Mabilis na sumagot ang tagapagsalita ng BIR na ipinagbabawal ng Konstitusyon ang naturang buwis, ayon sa isinasaad sa Section 28, No. 3, of Article VI, Legislative Department, na: “Charitable institutions, churches and parsonages, or convents appurtenant thereto, mosques, non-profit cemeteries, and all lands, buildings and improvements, actually, directly, and exclusively used for religious, charitable, or educational purposes shall be exempt from taxation.”
May ruling din ang Korte Suprema, ayon sa BIR spokesman, na nagkakaloob din ng tax-free privileges sa canteens, dormitories, at iba pang commercial establishments na binuksan ng religious schools.
Sinabi ni Speaker Alvarez na ang tinutukoy niya ay ang commercial properties ng mga eskuwelahang ito na hindi ginagamit sa educational, charitable, o religious purposes. Aniya, hindi makatarungan na napakataas ng matrikula sa ilang eskuwelahan na pinatatakbo ng Simbahan samantalang ang ibang pribadong eskuwelahan na mas mababa ang sinisingil sa mga estudyante ay nagbabayad ng buwis.
Ang suhestiyon ng speaker ay itinuturing na bahagi na naman ng nakalulungkot na palitan ng maaanghang na pananalita ng gobyerno at ng mga lider ng Simbahan. Ang word war ay partikular na mainit sa usapin ng death penalty na nais maibalik ng administrasyong Duterte pero kinokontra ng Simbahan dahil ito ay labag sa paniniwalang Kristiyano.
Subalit ang buwis na iminumungkahi ni Speaker Alvarez ay maaaring ikonsidera sa sarili nitong merito. Kung matatag ang paninindigan ng administrayon na patawan ng buwis ang kita ng mga eskuwelahang pinatatakbo ng Simbahan, kailangan muna nitong alisin ang sagabal sa Konstitusyon at isama ito sa mga kinakailangang talakayin sa isasagawang Constitutional Assembly.
Kapag naiwaksi ang naturang sagabal, saka lamang maaaring talakayin nang seryosohan ang mungkahi ng speaker na buwisan ang kinikita ng religious schools sa layunin na maging patas sa larangan ng pribadong edukasyon at upang makalikom ng mas malaking pondo mula sa buwis at sa iba pang mapagkukunan nito na lubhang kinakailangan upang matustusan ang maraming ambisyosong mga programa ng administrasyon.