BEA AT IAN_photo by DMB copy

NATAWA si Ian Veneracion nang dalawin namin sa set ng A Love To Last sa Celebrity Sports Plaza last weekend at tanungin kung ano ang reaksiyon ng kanyang wife na si Pam Gallardo sa love team nila ni Bea Alonzo na laging trending ngayon sa social media.

“Mukha siyang tanga, kasi kinikilig siya,” sagot ng aktor.

“Sabihin mo sa kanila ang ‘kinuwento mo sa akin,” salo ni Bea.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

“Kinikilig ang wife ko,” natatawa pa ring kuwento ng aktor. “Gusto ko nga sana sabihin sa kanya, ‘Dapat nagseselos ka, hindi ka dapat kinikilig.’ Pinupuri nga ni Bea, sabi niya sobrang cool ng wife ko.”

Nakakatuwa rin ang reaksiyon ni Bea nang itanong namin kung ano naman ang reaksiyon ni Gerald Anderson, na balitang nanliligaw uli o nakikipagbalikan sa kanya.

“Hindi siya nakakapanood, pero may nakakakuwentuhan siya. Sobrang busy niya ngayon, mayroon siyang show, marathon, may upcoming movie, minsan napapanood niya ako at natutuwa naman siya,” napapangiting sagot ni Bea.

Hindi sinosolo nina Ian at Bea ang sobrang kasikatang tinatamasa nila ngayon bilang Anton at Andeng ng A Love To Last. Trending gabi-gabi sa social media ang teleserye nila, lalo na nitong nakaraang linggo na ibinitin-bitin ang pag-amin ng character nila sa kani-kaniyang nararamdaman.

“Maganda kasi nagbibigay kami ng iba-ibang emotion sa mga viewers, may saya, may inis, may kilig. So hayun lang naman talaga ang inaasahan namin,” pahayag ni Bea. “Malaking factor ang story, magaling ang writers namin, ‘yung directors namin, so mga instrumento lang kami or mga tiny tool sa kabuuan ng A Love To Last.”

“Collective effort talaga from everyone and we really appreciate na everyone from the team is they trust us, mga actors, and they allow us to interpret the scenes, I think that’s where the magic happens. It’s not just one person’s idea, it’s a lot of interpretation,” sabi naman ni Ian.

Ikinuwento nina Ian at Bea na nakikisali sila sa brainstorming ng creative team at pinag-uusapan kung paano nila aatakehin ang kani-kaniyang role.

Hand to mouth ang serye nila, ang kinukunan sa araw ay ipinapalabas kinagabihan, kaya makikikita sa mukha nina Ian at Bea ang pagod at stress. Pero nababalewala ito dahil sa masayang pagtanggap ng televiewers. Hindi lang kasi adult audience ang nakatutok sa A Love To Last, pati na ang young adults o millennials.

“Siguro (kasi) we have Julia Baretto, JK Labajo and Ronnie Alonte in the story to bring in the millennial audience, and we also thank them dahil nakikilala din kami ng younger generation and also Enchong Dee and other actors din na nagdadala ng bagong market sa amin,” sabi ni Bea. (DINDO M. BALARES)