KUNG natatandaan pa ninyo, sinabi noon ni Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte na napilitang siyang kumandidato sa pagkapangulo nang malamang si Sen. Grace Poe ay isa palang Amerikana (naturalized US citizen). Ayaw raw niyang pamunuan ng isang Amerikana o US citizen ang gobyerno ng Pilipinas.

Si Poe ay napakapopular noon batay sa surveys ng SWS at Pulse Asia. Nangunguna siya at malaki ang tsansa na maging pangulo. Pero si Grace daw ay isang Amerikano at ayaw ni PDu30 na pangasiwaan ng isang dayuhan ang ‘Pinas.

Isang kabalintunaan ang nangyayari ngayon sa sitwasyon ni Mano Digong bilang presidente. Mismong sa Gabinete pala niya ay hinirang niya ang isang US citizen sa katauhan ni DFA Sec. Perfecto Yasay, Jr. Tinanggihan ng Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni Yasay na dati niyang boardmate at classmate at laging ipinagmamalaki.

Napatunayan ng CA committee on foreign affairs, na ang chairman ay si Sen. Panfilo Lacson, na si Yasay ay nagsinungaling tungkol sa kanyang US citizenship.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Minsan ay sinabi ni Yasay na ang Pilipinas ay dapat tigilan o ituring bilang “Little Brown Brother of America”. Malaya na ang ‘Pinas. Buong pagkakaisang ipinasiya ng 15 miyembro ng komite ni Lacson na tanggihan ang kumpirmasyon dahil sa pagsisinungaling under oath sa pagka-US citizen. Ayon kay Lacson, dapat bakantehin agad ni Yasay ang kanyang posisyon.

Sinabi naman ni presidential spokesman Ernesto Abella na igagalang ni Pres. Rody ang desisyon ng CA. Hinirang ng Pangulo si DFA Usec, Enrique Manalo kapalit ni Yasay. Si Sen. Alan Peter Cayetano ay sa Mayo puwedeng hirangin ni PRRD. Ang mga senador na kasapi ng CA ay nakakuha ng mga dokumento na nagpapakitang nagtamo si Yasay ng US citizenship noong 1986. Ni-renounce niya ito noon lang Pebrero ng nakaraang taon sa US Embassy matapos hirangin bilang foreign affairs secretary.

Sa totoo lang, tanggihan man ng mga Pilipino o hindi na tayo ay “Little brown brother” (Tsokolateng Maliit na Kapatid) ng United States, iyan ay hindi mapaparam hanggang ngayon sapagkat nakasandal pa rin ang Pilipinas sa Amerika kahit anong sigaw ng mga militante at ng mga taong nagsasabing sila ay makabayan. Ang isang Pinoy ay tiyak na may kamag-anak sa US at hanggang ngayon, marami pang pumipila sa US Embassy sa Roxas Blvd. upang makakuha ng visa para makarating sa bansa ni “Big White Brother”.

Saksakan daw ng labnaw ang ipinasang death penalty bill ng... Kamara. Mula sa mahigit na 20 heinous offenses, ito ay naging isa na lamang, ang tungkol sa drug-related offenses. Tinanggal ang plunder at rape. Sabi ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko, inalis daw ang pandarambong sa pera ng bayan (plunder) sapagkat baka kokonti lang ang matirang miyembro ng Senado at Kamara kapag ipinataw ang parusang kamatayan sa krimeng ito. Idinagdag niyang kapag isinama ang rape, baka mabulgar ang mga kongresistang lalaki na ginagamit ang perang nadambong sa paglulugso ng puri ng kababaihan.

Naniniwala si President Rody na ang kababaihan ay mga bayani. Sa kabila ng mga akusasyon na siya ay “sexist” at “misogynist” dahil sa kanyang rape jokes at iba pang derogatory statements sa mga babae, pinapurihan ng Pangulo ang kababaihan bilang “heroes” na malaki ang ambag sa kabutihan at kagalingan ng mamamayan at lipunan.

Ang papuri ni PDu30 ay kaugnay ng selebrasyon ng International Women’s Day na sinabi niyang saksi ang mga henerasyon sa “amazing ways” ng kababaihan kung papaano nila pinagbago ang lipunan bilang mga ina, intellectuals, educators, caregivers, soldiers, activists, artists at leaders.

Para sa akin, sumasaludo ako sa kababaihan sapagkat ang aking ina at ex-GF (ngayon ay bedmate na) ay babae. Malaki ang tulong at ambag nila sa akin bilang isang lalaki, manunulat at mamamayan ng Pilipinas. (Bert de Guzman)