Dahil sa matinding selos, inaresto ang isang construction worker matapos nitong saksakin ang umano’y kalaguyo ng kanyang live-in partner sa Pasay City nitong Linggo.

Pinosasan ng mga pulis si Alvin Garcia, 36, ng 8th Street, Barangay Santo Niño, Parañaque City dahil sa pananaksak kay Jayson Ortiz, 25, ng Saging St., Evacom.

Kasalukuyang nagpapagaling si Ortiz sa isang ospital kung saan, habang isinusulat ang balitang ito, nananatili siyang inoobserbahan.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang 4:30 ng umaga, nagpaalam si Garcia sa kanyang kinakasama, si Myra, na papasok na siya sa trabaho sa isang construction site na malapit sa SM Mall of Asia (MOA).

Politics

Hanash ni Sen. Migz: Sen. Loren, future Senate President!

Gayunman, inabangan ni Garcia, na naghinalang may iba si Myra, ang huli kung may gagawin itong kakaiba.

Maya-maya pa, umalis ng bahay si Myra at siya’y lihim na sinundan ni Garcia.

Nakumpirma ni Garcia ang kanyang hinala nang makita niya si Myra na nakipagkita, nakipaghalikan at nakipaghawak kamay kay Ortiz. Habang naglalakad sina Myra at Ortiz sa kahabaan ng Altarap St., Pasay, binunot ni Garcia ang kanyang kutsilyo at tumakbo papalapit sa dalawa at tuluyang sinaksak sa tiyan ang biktima.

Hindi tumakbo si Garcia at sa halip ay tinanong niya si Myra kung bakit siya niloko nito. Sa kabilang dako, humingi ng tulong si Myra upang madala sa ospital si Ortiz.

Ayon sa katrabaho ni Garcia na si Edgar Hilario, nagulat siya nang malamang nakakulong ang una.

“Mabait ho ‘yan at tahimik lang. Hindi namin akalain na makukulong siya dahil parang maamong tupa ‘yan sa trabaho,” aniya.

Ayon pa kay Hilario, tatlong taon nang nagsasama sina Garcia at Myra at biniyayaan ng apat na anak.

“Ang sabi niya, eh nagsisisi naman daw siya sa nagawa niya. Kaya lang, eh nahalata na daw niya na may ano (affair) na. Talagang nabulagan lang ng selos siguro dahil matagal na sila na nagsasama,” pahayag ni Hilario.

Kusang sumuko si Garcia sa pulis at nahaharap sa kasong frustrated murder. (Martin A. Sadongdong)