PALAISIPAN sa fans kung may relasyon na sina Julia Barretto at Joshua Garcia. Nakita kasi sa social media na sa birthday dinner ni Julia sa isang restaurant sa Bonifacio Global City kamakailan ay si Joshua ang special guest ng aktres.
Nag-post din ang ina ng dalaga na si Marjorie Barretto na sumasayaw sila at magkayakap pa, as in kitang-kitang na masayang-saya ang dalawa. Nag-duet din sila ng awiting Lucky.
Matatandaang dumalo rin si Joshua nitong Enero lang sa 80th birthday ng Lola Inday Barretto naman ni Julia at may family picture pa sila.
Nagtanong kami sa taong malapit kay Joshua kung girlfriend na ng young actor si Julia at kaagad kaming sinagot ng, “hindi.”
Kung hindi o hindi pa, bakit sobrang sweet naman yata ng sayaw ng dalawa sa birthday nito ng dalaga, as in yakap na? At huling-huli rin ng kamera na hinagkan ni Joshua ang buhok ni Julia?
Parang eksena nina Rico Yan at Claudine Barretto sa pelikulang Got To Believe noon.
May project lang ba uli ang dalawa kaya naghahanda na sila ng kanilang sweetness? O baka naman hindi lang nagsasabi ng totoo si Joshua sa taong malapit sa kanya?
Hmmm, pasasaan ba’t aamin din naman ang dalawa ‘pag nagtagal kaya abangan na lang natin. (REGGEE BONOAN)