SA darating na ika-27 ng Marso ay ipagdiriwang ang ika-110 anibersaryo ng Jalajala, Rizal. Ang Jalajala ang huling bayan na nasa silangang bahagi ng Rizal. Isang tahimik na bayan na nasa pagitan ng bundok at ng Laguna de Bay.

Pinakamalinis sa mga bayan sa Rizal at tinatawag na Paraiso ng Rizal. Ayon sa kasaysayan, mula 1823, ang Jalajala ay isang barangay sa Pililla. Naging isang ganap na bayan nang mahiwalay sa Pililla noong 1825. At nang sumapit ang Marso 27, 1907, sa pamamagitan ng Act 1626 na pinagtibay ng Philippine Assembly ay naging isang malayang munisipalidad. Ang nahalal na unang presidente municipal (mayor) ay si Simeon Perez at ang salitang Jalajala ay hango sa “Halaan”, isang lamang-dagat na noong araw ay nakukha sa Laguna de Bay.

Ang pagdiriwang ng ika-110 anibersaryo ng Jalajala ay pangungunahan ni Mayor Ely Pillas. Ang paksa o tema ng pagdiriwang ngayong 2017 ay: “Ika-110 ng Paggunita sa Kasaysayan Para sa Nagkakaisang Sambayanan Tungo sa Masaganang Kinabukasan”. Sa pagdiriwang, ang pamahalaang bayan ng Jalajala ay may mga inihandang aktibidad. Lalahukan ng mga lokal na opisyal ng bayan, mga empleyado, mga guro at mag-aaral, mga non-government organization (NGOs), ng Jalajala PNP at BFP, ng simbahan at iba pang samahan.

Inihudyat ang simula ng pagdiriwang ng ika-110 anibersaryo ng Jalajala sa pagsisimula ng 10th Mayor Ely Pillas Basketball Tournament noong Pebrero 20, 2017. May 11 basketball team ang kalahok sa nasabing tournament na mula sa 11 barangay ng Jalajala. Kasunod nito, sa darating na Marso 21, ang Sayawang Bayan ng Jalajala Federation Women’s Club na handog kay Gng. Emma Pillas na matapat na tagapagtaguyod ng samahan ng kababaihan sa Jalajala. Si Ma’am Emma ay ang butihing maybahay ni Mayor Ely Pillas.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Higit pa sa tradisyon, si Hesus ang sentro ng Pasko

Sa Marso 24, bahagi rin ng pagdiriwang ang medical mission o libreng gamutan na isasagawa sa covered court ng Jalajala. Ang libreng gamutan ay magkatulong na handog ng Malaya Power Plant at ng pamahalaang bayan ng Jalajala.

Kalahok sa medical mission ang mga volunteer doctor sa Jalajala at mga karatig bayan.

Tampok din sa nasabing araw ang isang misa ng pasasalamat sa simbahan ng parokya ni San Miguel Arkanghel. Kasunod nito ang isang masaya at makulay na parada at katatampukan ng Dlaylay Festival o street dancing ng mga kabataan na nagmula sa iba’t ibang barangay.

Sa Marso 26, aabangan naman ang Palarong Pinoy na lalahukan ng mga kabataang lalaki at babae mula sa iba’t ibang barangay ng Jalajala at ang pagpapalipad ng mga saranggola. At sa Marso 27 na mismong araw ng pagkakatatag ng Jalajala, tampok ang misa ng pasasalamat. Ito ay susundan ng poster making contest at timpalak sa pagsulat ng sanaysay. At sa gabi, gagawin ang isang cultural presentation kasabay ng pagkilala at pagpaparangal sa mga natatanging mamamayan ng Jalajala. (Clemen Bautista)